SA PAGSULONG tungo sa muling pagyabong ng ekonomiya ng bansa, isa sa mga usaping dapat tutukan ay ang pagsasaayos sa sistema ng transportasyon.
Noon pa man, napakatinding hamon na para sa pamahalaan na tugunan at bigyan ng pangmatagalang solusyon ang mabigat na daloy ng trapiko sa bansa. Upang makamit ito, kabilang sa mga dapat gawin ay ang pagdaragdag ng opsyon para sa pampublikong transportasyon, pagdaragdag ng imprastraktura para rito, at ang pagsiguro na ang mga kasalukuyang imprastraktura na ating ginagamit ay nasa maayos na kondisyon.
Ang pagsusumikap na maisaayos ang sistema ng transportasyon ng bansa ay hindi lamang nakasalalay sa pamahalaan. Malaki rin ang papel na ginagampanan ng pribadong sektor sa usaping ito. Sa katunayan, napakahalaga ng pagkakaisa at pagtutulungan sa pagitan ng dalawang sektor upang maisakatuparan ang mga inisyatibang direktang makatutulong sa pagbangon at pagpapaunlad ng ekonomiya ng Pilipinas.
Isang magandang halimbawa rito ay ang plano ng operator ng North Luzon Expressway (NLEX), ang Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC) na bahagi ng MVP Group. Plano ng nasabing operator na gumawa ng ikatlong highway sa kahabaan ng dalawang 5.3 kilometrong mga viaduct na tumatawid sa lupain ng Candaba sa pagitan ng Bulacan at Pampanga. Sasagutin din nito ang gastos sa paggawa na tinatayang aabot sa P8 bilyon.
Ang nasabing plano ay inilatag ng MPTC nang isinagawa ang consultative meeting na inorganisa ni Deputy Speaker at Pampanga 3rd District Rep. Aurelio “Dong” Gonzales Jr. Kung maalala, si Cong. Gonzales din ang mismong nagpahayag ng pangangailangang gumawa ng bagong tulay na papalit sa mga lumang viaduct na may tagal nang 46 taon. Sa katunayan, taong 2016 nang unang ipinahayag ng mambabatas ang kanyang mga isyu ukol dito. Luma na, aniya, ang nasabing mga tulay kaya mayroon nang mga isyung pangkaligtasan patungkol dito.
Ikinatuwa naman ng mambabatas ang planong ito ng MPTC dahil kasalukuyang inaayos ang dalawang lumang tulay. Sa pamamagitan ng bagong tulay na inaasahang magsisimula sa unang bahagi ng 2023 at magtatapos sa 2024, masisigurong mapananatiling konektado ang Metro Manila sa mga lugar sa timog na bahagi ng Luzon, at ang sentral at norte naman sa kabilang dako.
Bukod sa dami ng motoristang dumadaan at nakikinabang sa nasabing mga tulay, bilyon-bilyong halaga rin ng produkto ang dumaraan dito mula at papunta sa National Capital Region (NCR). Ito ang isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit napakahalaga na masigurong mananatiling konektado ang nasabing mgw lugar sa isa’t isa.
Kung tuluyang maluluma ang mga viaduct at hindi nagpakita ng inisyatiba ang MPTC na gumawa ng bagong tulay, tiyak na maaapektuhan ang transportasyon ng iba’t ibang produkto na makaaantala sa aktibidad ng lokal na ekonomiya. Bunsod nito, napakalaki ng naging pasasalamat ni Cong. Gonzales sa operator ng NLEX kaugnay ng inisyatibang gumawa ng bagong tulay.
Sa inyong dagdag kaalaman, bukod sa pagiging mambabatas, civil engineer din si Cong. Gonzales. Hindi tuloy kataka-taka na talagang nabibigyan niya ng pansin ang mga imprastraktura. Luma na ang mga viaduct at wala nang kasiguraduhan ang kaligtasan nito sa ubod ng daming sasakyan na dumadaan dito kada araw na may mabibigat na karga.
Ayon kay Atty. Romulo Quimbo Jr., ang Chief Communication Officer ng MPTC, ang ikatlong highway ay ipupuwesto sa gitna ng dalawang lumang tulay. Sa pamamagitan ng bagong viaduct, madaragdagan ng tig-isa’t kalahating lane ang northbhound at southbound na direksyon nito. Batay sa kanilang plano, ang ikatlong viaduct ay ilalaan para sa mga cargo truck at mga mabibigat na sasakyan habang ang mga bagong ayos na tulay ay ilalaan para sa mga magagaan na sasakyan. Nangako rin ang MPTC na gagawa aniya ito ng paraan upang hindi makaaabala ang paggawa ng bagong tulay sa mga mananakay at motoristang dadaan dito.
Ang mga ahensiya naman na may kinalaman sa gagawing bagong imprastraktura gaya ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Transportation (DOTr), National Economic and Development Authority (NEDA), at Toll Regulatory Board (TRB) ay nagpakita ng suporta rito.
Bukod pa sa bagong tulay, nagkaroon din ng kasunduan sa pagitan ng mambabatas, MPTC, at ng DPWH na magtulungan sa pagsasaayos ng kondisyon ng hindi bababa sa lima pang tulay na tumatawid sa expressway sa pagitan ng Bulacan at Pampanga.
Napakalaki ng inaasahang magiging mabuting epekto nito sa ating transportasyon. Nawa’y magpatuloy ang mga ganitong inisyatiba kung saan nagtutulungan ang mga ahensiya ng pamahalaan at mga miyembro ng pribadong sektor. Gaya nga ng sabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (BBM), ang pagkakaisa ang susi sa muling pag-unlad ng ating bansa.