(ni KAT MONDRES)
IPINAGDIRIWANG tuwing ika-10 ng Oktubre ang World Mental Health Day. Sinusuportahan ito taon-taon upang magpukaw at magbigay ng kaalaman sa mga tao tungkol sa iba’t ibang mental issues sa buong mundo. Ang araw na ito ay isang pagpupugay rin sa mga taong nagtatrabaho sa nasabing sektor upang magsalita tungkol sa kanilang adbokasiya at kung ano pa ang mga ibang pamamaraan para maiwasan ang issues tungkol sa mental health.
Ngayong taon, ang pokus ng adbokasiya ay tungkol sa ‘Mental Health Promotion and Suicide Prevention.’ Ayon sa World Health Organization (WHO), sa bawat 40 segundo, may tao na namamatay dahil sa suicide.
Hindi basta binabalewala ang mga isyung ito. Ito ay dapat binibigyan ng importansya lalo na ang mga nabiktikma, at mga nasa sitwasyong ito. Sa loob ng bahay, kinakailangan na ang bawat isa ay nagkakaroon ng pagkakataon upang magsalita o magsabi sa nakakatanda lalo na sa mga magulang kung ano ang iyong problema.
Magkuwento ng mga bagay na nakapagpasaya sa ‘yo o nakapagpasama ng loob mo. Huwag mong itago sa sarili mo kapag ikaw ay may problema. Maging bukas lagi sa iyong mga magulang.
Lahat ng pagtuturo ay nag-uumpisa sa loob ng bahay. Kinakailangan ay kahit nasa batang edad pa lamang ay dapat tinuturuan na ng tamang asal lalo na rin ang pagkakakaroon ng magandang relasyon ng mga magulang sa anak.
Sa bawat simpleng bagay na nangyayari sa loob ng tahanan ay may malaking epekto sa mga bata.
Tanging responsibilidad ng mga magulang ay ang bigyan ng suporta at importansya ang mga anak sa oras na mas lalo silang kinakailangan.
Kapag ang mga magulang ay matanda na, kinakailangan ng mga anak na mag-alaga sa kanila. Magkaroon ng give and take relationship para mai-wasan ang mga issue sa loob ng bahay. Kapag maganda ang pakikitungo ng bawat isa sa loob ng bahay, ay mas mapadadali rin ang pakikitungo kapag nasa labas ng bahay.
Laging isipin ang mental health ng bawat isa. Iwasan ang pambu-bully. Iwasang gumawa ng tsismis. Iwasan ang manggamit ng tao para umangat sa buhay. Iwasan ang manakit ng tao. Iwasan ang gulo sa paligid.
Comments are closed.