SA kamangha-manghang mundo ngayon kung saan patok o namamayagpag ang advanced na teknolohiya, maraming puwedeng gawing negosyo.
Ang kasalukuyang sitwasyon ay nagbibigay sa atin ng higit na kakayahang umangkop sa kung paano at saan tayo nagtatrabaho.
Ngunit ang mga negosyong nakabase sa bahay ay may iba’t ibang anyo.
Nangangailangan nga lang ito ng ekstrang espasyo para sa mga produkto.
Ang promosyon naman at publicity ay maaaring patakbuhin nang ganap sa online.
Kaya naman, sa ganitong paraan ay maaaring manatiling konektado sa mga customer kahit malayo sila.
Ang ilan ay nagsasagawa pa ng pananaliksik sa merkado para maunawaan ang target na kliyente.
Tinitingnan din ang kanilang mga pangangailangan, kagustuhan at pag-uugali, industriya at siyempre, ang kompetisyon.
Tandaan na hindi permanente ang dami ng customers at puwede ring may mga bagong online platforms na umusbong para kalabanin ang merkadong pinasok mo.
Halimbawa na lamang dito ay ang Shopee at Lazada na tila nagkaroon ng bagong kalaban matapos maitatag ang isang Southeast Asian loyalty platform sa Pilipinas.
Nabili o na-acquire na kasi ng Nasdaq-listed Society Pass Inc. (SoPa) ang Pushkart.ph kaya’t naging wholly owned subsidiary na ito ng kompanya.
Dahil dito, magkakaroon na raw ng access ang Pushkart sa kapital ng SoPa na maaaring magpalakas ng kanilang on-demand grocery shopping services para sa consumers at retailers sa Metro Manila at sa buong bansa.
Matutulungan daw nito ang grocery stores at restaurants sa pagpapaigting ng kanilang online markets sa gitna na rin ng pagbabago ng consumer behavior ngayong panahon ng pandemya.
Tinatayang mayroong 125,000 registered users ang Pushkart.
Taglay rin nito ang mahigit 35,000 social media followers at 20,000 mobile app downloads.
Bunga nga raw ng collaboration na ito, posibleng dumoble ang customer base nila o hanggang 300,000 at inaasahang aabot sa 150,000 o higit pa ang kanilang app downloads sa hinaharap.
Ayon kay Dennis Nguyen, SoPa founder, chairman & chief executive officer, lumalakas ang e-commerce industry sa bansa kaya’t nais nitong maglatag ng mas akmang solusyon sa merkado.
Itinuturing ng SoPa ang Pilipinas bilang cornerstone ng kanilang VIP acquisition strategy [Vietnam, Indonesia, and Philippines] at balak pa nga raw nilang bumili ng iba pang market leading companies sa bansa sa mga susunod na buwan.
Para naman kay Pushkart CEO Michael Lim, gusto ng Southeast Asian firm na i-alok ang end-to-end solution sa kanilang customers na magpapalawak ng kanilang presensiya sa merkado.
Totoong maraming dumapang negosyo dulot ng pandemya ngunit nagbukas din talaga ito ng pintuan para sa ibang industriya.
Kung titingnan ang kasaysayan, lumikha ng matinding pinsala ang mga nagdaang malalaking krisis at nagbigay din ito ng oportunidad para sa pagbabago.
Isa sa mga halimbawa riyan ay ang Spanish Flu noong 1918 kung saan napagtanto ng lahat ang kahalagahan ng universally accessible healthcare.
Maging ang financial crisis sa Asya noong 1997 ay nagbigay-daan din para sa mga reporma na hanggang sa ngayo’y nakatutulong sa mga ekonomiya tulad ng Pilipinas na makamit ang malaking paglago at katatagan sa iba’t ibang industriya.
Sa ngayon, masasabing masyado pang maaga upang masabi kung ano pang reporma ang maidudulot ng COVID-19 pandemic.
Ang malinaw lamang sa kasalukuyan ay maraming oportunidad ang binubuksan nito sa larangan ng pagnenegosyo o komersiyo.
Bagama’t nagdulot nga ng problema sa mga kapitalista ang krisis ay naglatag naman ito ng bagong kondisyon ng pag-usbong ng mga bagong uri ng online entrepreneurs.
Gayunman, hindi dapat makuntento ang ilang negosyante sa kasalukuyang tagumpay na kanilang natamo.
Mahalagang pagyamanin at paunlarin pa ang galing sa pagnenegosyo at humanap ng tamang network at sistema susuporta at lalo pang magpapatatag sa pinili nilang negosyo.