PAGYAMANIN, PALAKASIN ANG KASAYSAYANG PILIPINO SA PAMAMAGITAN NG LEHISLASYON

SA pagkakataong ito, hayaan n’yo po ang inyong lingkod na magbigay-pugay sa isang minamahal at patuloy na mamahaling kapamilya.

Noong Mayo 13, 2018, sumakabilang-buhay ang isa sa mga kinokonsiderang haligi ng lehislaturang Pilipino. Nakatataba ng puso dahil ang taong ito ay walang iba kundi ang aking pinakamamahal na ama na si dating Senate President Edgardo Javier Angara.

Ngayong Mayo 13, 2023, sa ikalimang anibersaryo ng kanyang pagpanaw, atin pong gunitain ang kanyang mga iniwang marka bilang isang senador at lehislador.

Napakaraming adbokasiya ng aking ama. Kabilang diyan ang edukasyon, agham, sining, kultura at napakarami pang iba.

Taong 2010, Marso 26, isinabatas ang RA 10066 o ang National
Cultural Heritage Act – ang batas na nangangalaga sa ating cultural treasures. Ang pangunahing awtor ng batas na ‘yan sa Senado ay ang aking ama dahil sa sinseridad niyang protektahan ang yaman ng ating kultura. Isinulong niya ito, unang-una, dahil ito ang magsisilbing simbulo natin bilang Pilipino – ang magpapatingkad sa ating nasyonalidad. At bilang miyembro ng Mababang Kapulungan nang mga panahong ‘yun, isinulong din natin ang katulad na batas sa layuning mas mapalakas ang kultura at kasaysayang Pilipino.

Matatandaan naman na noong 2003, pinagtibay ng noo’y Pangulo na si Gloria Macapagal-Arryo ang Proclamation No. 439 na nagtatatag sa buwan ng Mayo kada taon bilang National Heritage Month.

Ang ilan sa mga isinusulong nating batas sa ngayon ay nagpapalakas din sa mga kulturang ipinagdiriwang ng ating mga komunidad. Kabilang dito ang Senate Bill 1012 na nagdedeklara sa Chinese New Year bilang special nonworking holiday. Ito ay bilang pagpaparangal sa ating mga kababayang Tsinoy na naging kaagapay natin sa mga pinagdaanan nating digmaan noong mga nagdaang panahon. Malaki rin ang kanilang kontribusyon kung bakit marami sa mga Pilipino ay maituturing na middle class.

Ang SBN 1616 ay nagtatalaga naman sa Nobyembre 7 taun-taon bilang Sheikh Karim’ul Makhdum Day, isang special national working holiday, bilang pag-alala sa pagkakatatag ng kauna-unahang mosque sa Pilipinas sa Bohe Indangan, Simunul Island, Tawi-Tawi. Ito rin ang nagpasimula ng Islam sa bansa sa pagdating ng Arab missionary na si Shariff Karim’ul Makhdum.

Malaki rin ang ating pagpapahalaga sa mga produkto na naging bahagi na ng kasaysayan at kulturang Pilipino.

Sa isa pa nating panukalang batas, ang SBN 1868, iniaatas nito ang pagkakaroon ng Protected Geographical Indications para sa mga produktong agricultural, gayundin sa natural products, processed goods o anumang handicraft products, bilang garantiya na ang mga ito ay tunay na gawa sa lugar na sinasabing pinagmulan ng mga ito.

Ang ating SBN 999 o ang Philippine Native Animal Development Act ay naglalayong siguruhin ang kaligtasan ng mga unique Filipino breeds of animals. Ang mga panukalang ito ay may kaugnayan sa isinusulong nating “Tatak Pinoy” — isa sa ating mga adbokasiyang ipinagmamalaki ang mga industriya, negosyo at mga mangangalakal ng Pilipinas.

At bilang pakikiisa natin sa ating ama sa kanyang pagpapahalaga sa kasaysayang Pilipino, isang panukalang batas din ang ating inihain — ang SBN 1167 na nag-aatas sa pagtatatag ng resource centers para sa ating
indigenous cultural communities. Sinisiguro nito na ang lahat ng Filipino IPs ay hindi napag-iiwanan sa basic, social, technical and legal services.

Liban po sa mga panukala nating ito, marami ring heritage-related interventions ang ipinaloob natin sa 2023 national budget. Kabilang diyan ang pondong P2 milyon para sa Filipino Heritage Festival, isang monthlong celebration of cultural events na isinasagawa sa iba’t ibang panig ng bansa. Layunin natin dito na maiukit sa kaisipan ng mga bagong henerasyon ang kahalagahan ng ating kasaysayan sa iba’t ibang aspeto.

Nariyan din ang P94 milyong pondo para sa restorasyon ng mga istruktura na nasa ilalim ng pangangalaga ng National Historical Commission of the Philippines; sa selebrasyon ng Philippine-Spanish Friendship Day; restorasyon ng Mabini Shrine na nasa Sta. Mesa Manila; Molo Church sa Molo, Iloilo; Patnongon Old Casa Municipal sa Patnongon, Antique at ang Nagcarlan underground cemetery sa Nagcarlan, Laguna.

Dapat lamang na pangalagaan at tiyakin ang preserbasyon ng mga istruktura ng ating kasaysayan sapagkat ito ang nagpapakilala sa ating nasyonalidad bilang Pilipino. Kung gaano pinahalagahan ng ating yumaong ama ang yaman ng ating kasaysayan at kultura, ganitong pagpapahalaga rin ang ating ginagawa bilang lehislador sa kasalukuyan.