BINAWI rin nitong araw ng Huwebes ng Department of Health (DOH) ang naunang pahayag ni Secretary Francisco Duque III na nasa second wave na ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) infection sa bansa.
Sinabi ni Dr. Beverly Ho, Special Assistant to the Secretary of Health, kinukumpirma nila na nasa first wave pa lang ang Filipinas ng COVID-19.
“The DOH confirms that yes we are in the first wave driven by local community transmission,” pahayag ni Ho.
Kaugnay nito ay humingi ng paumanhin ang DOH sa publiko sa kalituhang idinulot ng naunang pahayag ni Duque na nasa second wave na ng COVID-19 infection ang bansa.
Sa pagdinig sa Senado, sinabi ni Duque na ang unang wave ng virus ay noong Enero umano kung saan may naitalang tatlong kaso ng virus sa bansa. Ang ikalawang wave naman ay nagsimula noong katapusan ng buwan ng Marso umano kung saan may naitalang 538 COVID cases sa bansa, at nagpapatuloy pa ito ngayon.
Ipinaliwanag ng DOH na ang unang wave ng COVID-19 ay naitala nang magkaroon na ng local community transmission ng virus sa bansa.
“Kung matatandaan ninyo local community transmission happened nung magsimula tayo magreport ng cases ng mga kababayan nating walang exposure sa mga positive cases o walang travel history. We are still in this wave,” paliwanag pa ni Ho.
“Etong kasalukuyang wave natin ay nag-start nung March 31 kung saan natala 538 that day since then number of cases declined to 220 per day. this is why we are saying we have started to flatten the curve,” paliwanag pa niya.
Kaugnay nito, umaasa naman ang DOH na hindi makaaapekto sa ginagawang laban sa COVID- 19 ang kalituhang nangyari.
Muli rin namang nagpaalala ang DOH sa publiko na ang pagbaba ng virus infection ay nakasalalay sa pagsunod ng bawat isa sa mga health protocols gaya ng paghuhugas ng kamay, pagtatakip ng bibig kung uubo o babahing, at pagtiyak ng physical distancing.
Comments are closed.