ITINANGGI ng Kompanyang Bell Kenz Pharmaceutical, Inc. ang akusasyon na sangkot sila sa Multi Level Marketing Scheme sa bentahan ng kanilang mga gamot.
Sa pagdinig ng Senate Comm on Health ni Sen Christopher Bong Go, sinabi ni Bell Kenz CEO Dr. Luis Go na sumusunod sila sa regulasyon ng health industry sa bansa alinsunod sa Ethical Standard.
Layunin ng kanilang kompanya na makapagbigay ng affordable at quality medicine partikular na para sa hypertension, diabetes at coronary diseases.
Giit ni Dr. Go, walang komisyon na kanilang ibinibigay sa mga doktor.
Pinagbantaan ito ni Sen Raffy Tulfo na ipakukulong kung siya ay magsisimungaling dahil may mga ebidensya umano itong mga cheque galing sa Bell Kenz na ibinayad sa mga doktor.
Ngunit sa kalaunan ay umamin din si Go na nagbibigay sila ng incentive sa mga doktor na nagrereseta sa kanilang gamot, ngunit wala umanong cash, mamahaling sasakyan, o mamahaling relo.
Kundi ito ay pagdalo sa mga local at international conference ng mga doktor at kung minsan ay mga equipment.
Ayon naman kay Secretary Ted Herbosa, hindi bawal na mag-sponsor ang mga pharma companies ng mga doktor na pupunta sa mga conferences local at international basta ito ay nakadeklara sa Food and Drug Administration.