(Pahayag ng DOH) WALANG WALKING PNEMONIA OUTBREAK

NANINDIGAN ang pamunuan ng Department of Health (DOH) na walang outbreak ng Mycoplasma Pneumonia o tinatawag na ‘Walking Pneumonia’ sa Pilipinas sa gitna ng tumataas na kaso ng respiratory illness sa China at iba pang European countries.

Sinabi ni Health Secretary Ted Herbosa na ang pagdami ng respiratory illness sa China ay hindi dahil sa bagong virus kung hindi ay ng mga nakaraang mikrobyo tulad ng Mycoplasma Pneumoniae, respiratory syncytial virus at influenza.

Sinabi ni Health Undersecretary Eric Tayag na ang mycoplasma pneumoniae ay tila parang COVID-19. Nakakahawa aniya ang bacterial infection kaya bago pa man lumitaw ang mga sintomas tulad ng ubo ay maari na itong maihatid ng infected sa ibang tao sa pamamagitan ng close contact.

Sinabi ng DOH na hinihintay pa ang report ng Philippine General Hospital kung ang pagtaas ng kaso ng pneumonia sa pasilidad nito ay dahil sa mycoplasma pneumoniae.

Sa kabila nito, pinayuhan ni Herbosa ang publiko na sundin ang mga health protocols noong pandemya gaya ng pagsusuot ng face masks. PAUL ROLDAN