PAHAYAG NG SPOKESMAN NG DATING SENADOR: “BBM NASA MAAYOS NANG KONDISYON”

BONGBONG MARCOS-5

“GUMAGANDA na ang kondisyong pangkalusugan ni dating Sen. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. makaraang ihayag sa resulta ng clinical test na isinagawa ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM)  na siya’y positibo sa CoVid19,” pahayag ito ngayon ng spokesman ng dating senador na si Atty. Victor Rodriguez.

Ayon kay Atty. Rodriguez, isa lang si BBM sa mahigit libong Filipino na nakipaglaban sa mapanganib na mikrobyo at kasalukuyan ay nilalapatan ng lunas sa isang ‘isolation area.’

“Pagkagaling ko sa Europa, tumungo agad ako noong sumunod na araw, Marso 14, 2020 sa isang ospital upang magpasuri dahil sa medyo may pananakit ang aking dibdib at upang matiyak ang aking kondisyong pangkalusugan dahil sa mga panahong ‘yon ay lumalaganap na ang corona virus,” sabi umano ng dating senador, ayon sa paglalahad ni Rodriguez.

Pahayag pa ng dating senador ayon sa kanyang tagapagsalita: “Pero umuwi na lang ako kasi sobrang dami ng pasyente noon sa pinuntahan kong ospital kaya hindi na ako nagpumilit na magpaasikaso upang mabigyan ng tamang atensiyon ang mga pasyenteng nauna sa akin… na maaaring mas masama ang pakiramdam.”

Ayon pa kay Rodriguez, ang tanging pagkakataon na lumabas si dating Senador Marcos mula noon sa kanyang kwarto ay noon lang Marso 22, 2020 para magtungo sa emergency room ng parehong ospital makaraang siya’y nakaranas ng hirap sa paghinga, kung saan isinagawa ang ‘CoVid19’ test sa kanya at pinayuhang mag-self quarantine.”

“Simula noong Marso 13, 2020 hanggang sa ngayon ay sinusunod ng dating senador ang health protocol sa mga PUI at taimtim at tahimik nyang tinupad ang ipinaiiral na proseso ng gamutan, ‘tulad ng safety mask at self-quarantine, at walang ingay na inilayo ang kanyang sarili maging sa kanyang pamilya ‘gaya ng isang simple, responsable at ordinaryong pasyente,” pagtatapos na pahayag ni Rodriquez.

Ang resulta ng CoVid-19 test sa senador ay inilabas ng RITM noong hapon ng Marso 28, 2020 kung saan sinasabing siya’y nag- positibo sa naturang mikrobyo.

Comments are closed.