INALMAHAN ng Chinese Embassy in Manila ang pahayag ni US Ambassador to the Philippines MaryKay Carlson na ilegal na gumamit ang China Coast Guard ng water cannons sa pag-atake nito sa barko ng Pilipinas malapit sa Bajo de Masinloc noong Disyembre 4.
Inakusahan ng Embahada si Carlson na walang factual basis na pinagbasehan. Wala umanong basic facts ang US Envoy at naghayag ng mga akusasyon na walang basehan laban sa lehitimong hakbang ng China para protektahan ang kanilang territorial sovereignty at maritime interest.
Kaugnay nito, hinimok ng Embahada ang nasabing mga bansa na respetuhin ang territorial sovereignty, maritime rights at interests ng China sa pinagtatalunang karagatan, itigil ang paghahasik ng alitan at pagpapasidhi pa dito at itigil na aniya ang paggugulo para sa kapayapaan at stability sa disputed waters.
Samantala, isang araw naman matapos ang naturang insidente sa Bajo de Masinloc, naghain ng panibagong diplomatic protest ang Pilipinas laban sa China sa pamamagitan ng isang note verbale.
Nakatakda ring makipagkita si DFA Secretary Enrique Manalo kay Chinese Ambassador to the PH Huang Xilian para talakayin ang pinakabagong insidente sa West Philippine Sea.
VERLIN RUIZ