PINAGSUSUMITE ng Commission on Elections (Comelec) ng report sa kanilang tanggapan ang ‘paid social media influencers’ at iba pang mga kompanya na nagkakaloob ng internet-related services sa mga kandidato para sa May 13 National and Local Elections (NLE) na tumanggap ng political advertisement.
Sa Comelec Resolution No. 10518, iginiit ng poll body na dapat na maiulat ang lahat ng mga pagkakagastusan ng mga kandidato sa pangangampanya, maging yaong isinagawa ng mga ito sa iba’t ibang social media platforms.
Ipinaliwanag ng poll body na ang social media associates gaya ng paid digital influencers na gumagamit ng social media plat-forms para isulong ang kandidatura at pagkapanalo ng isang kandidato, o ‘di kaya ay isulong ang pagkatalo ng isang kandidato ay ikinukonsiderang individual contractors, kaya’t dapat na mag-report din ang mga ito sa kanilang tanggapan.
Ayon sa Comelec, ang mga internet-based companies ay dapat na magsumite ng kanilang reports sa kanilang Campaign Finance Office (CFO), gayundin ng kopya ng mga kontrata para sa advertising at promosyon ng mga kandidato.
Dapat rin umanong nakasaad sa ulat ang pangalan ng kandidato o partido sa patalastas; pangalan ng tao o advertising agency na nagbayad ng patalastas; page name/account name/handle kung saan ipinaskil o ini-upload ang patalastas; partikular na political advertisements; at halaga ng patalastas.
“Internet companies, which a candidate or party utilize to directly reach out to voters and mobilize support through the use of ads, paid promoted hashtags or trends, includes social media companies, such as Facebook, Twitter, Instagram, among others,” anang poll body.
Ayon sa Comelec, isinagawa nila ang klaripikasyon nang makatanggap ng mga katanungan hinggil sa reportorial requirements para sa mga contractors, firms, at mga kompanyang nagbibigay ng internet-related at social media platform services sa mga kandidato. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.