PAIGTINGIN ANG KAMPANYA VS. HUMAN TRAFFICKING, CYBER FRAUD

NOONG kasagsayan ng krisis dulot ng COVID-19, lumobo raw ang bilang ng mga kasong pag-abuso sa mga menor-de-edad online.

Nabunyag pa nga ang mga naiulat na mga kaso ng cybersex na binibiktima ang kabataan habang ipinatutupad noon ang community quarantine sa mga lungsod.

Bunga kasi ng banta ng nakamamatay na virus, kinailangang manatili ng lahat sa mga tahanan.

Ang masaklap nga lang, kasabay ding lumaganap ang isa pang delubyo, ang online child trafficking na matagal nang salot sa lipunan.

Dumami ang mga halos walang makain noong panahong iyon.

Kaya naman, lumubha pa ang problemang dala ng pandemya.

Kahit ngayon, maraming pamilyang Pilipino ang nahuhulog sa patibong ng pag-abuso sa internet para kumita.

Natatandaan ko pa, isang 25-taong gulang na babae nga ang nakalaboso bunga ng cybersex trafficking ng mga bata, kabilang ang apat niyang anak.

Sinasabing kahit noong wala pa ang COVID-19, talagang may mga ganitong kaso nang nagaganap sa maraming lugar sa bansa.

Uso pa rin hanggang ngayon ang human trafficking, child pornography, at iba pang krimen na nagagawa sa pamamagitan ng internet at mobile phone.

Katunayan, kamakailan ay nasagip ng pinagsanib na puwersa ng Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) at iba’t ibang ahensya ng gobyerno ang mahigit sa 1,000 biktima ng human trafficking sa Clark, Pampanga.

Maliban sa PNP-ACG, nakatuwang din nila sa operasyon ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), Bureau of Immigration (BI), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Inter Agency Council Against Trafficking (IACAT), at PNP-Special Action Force (SAF).

Nag-ugat daw ito sa inihaing search warrant at warrant to search, seize and examine computer data ng mga awtoridad laban sa isang kompanya sa loob ng Clark Free Port Zone.

Sinasabing ang mga biktima ay iba-iba ang mga nasyonalidad.

Aba’y puwersahang pinagtrabaho raw ang mga ito sa cyber-fraud industry.

Pagsisiwalat ni PNP-ACG Spokesperson Police Capt. Michelle Sabino, kasama sa mga nailigtas ang 129 Filipino at 919 dayuhang Chinese, Vietnamese, Malaysian, Indonesian, Taiwanese Nepalese, at Thailander.

Hinihintay na raw ang mga papeles ng mga dayuhang biktima mula sa kanilang embahada para makabalik sila sa kani-kanilang mga bansa.

Ayon sa Department of Justice (DOJ), sinampahan na raw ng reklamo sa piskalya ang 11 tauhan ng sinalakay na establisimyento sa Mabalacat.

Hindi lang daw human trafficking kundi mahaharap din sa kasong serious illegal detention ang mga suspek.

Isiniwalat ni Sabino na kasama raw sa trabaho ng mga biktima ang maghanap ng “prospect customers” online para ma-scam.

Ang siste, parang liligawan lang daw at kukunin ang loob upang maisakatuparan ang pag-scam sa mga biktima.

Ang natuklasang human trafficking at cyber fraud activities sa Clark Sun Valley Hub Corporation ay maaaring bahagi lamang ng mas malawak at talamak na operasyon sa bansa.

Kaya naghain ng resolusyon si Sen. Grace Poe, chairperson ng Senate Committee on Public Services, para siyasatin ang nangyari.

Tama naman si Poe sa kanyang tinuran na dapat ding magpaliwanag ang BI kung bakit nakakapasok sa bansa ang mga foreign worker at hindi malinaw kung may dala silang visa.

Dahil sa nadiskubreng fraud operations sa Pampanga, baka mabunyag ang posibleng mas malalaki pang grupo na may kaparehong operasyon.

Kailangan nating sagipin ang imahe ng Pilipinas na nasisira dahil sa mga sindikatong ito at panagutin ang mga nasa likod ng karumal-dumal na krimen.

Walang puwang sa lipunan para sa mga halang ang kaluluwa na walang pakundangan sa kapakanan ng ating mga kababayan.