HINDI na bago sa Pilipinas ang pagdaan ng maraming bagyo dahil sa ating distansiya sa Pacific Ocean.
Sa loob ng isang taon, itinatalang nasa average na 20 bagyo ang dumadaan sa Philippine Area of Responsibility, kung saan lima rito ay kadalasang nagdudulot ng malaking pinsala.
Noong nakaraang linggo, muling sinalanta ang ilang bahagi ng Luzon dahil sa bagyong Karding. Ilang mga probinsya ang isinailalim sa signal number 3 katulad ng Aurora, Quezon, Nueva Ecija, Bulacan, Rizal, at Camarines Norte, samantalang isinailalim naman sa signal number 2 ang Metro Manila, kabilang ang iba pang mga lugar.
Muli itong naging hamon sa ating mga magsasaka sapagkat tinatayang nasa 1.5 milyong ektarya ng lupang agrikultural ang lubos na naapektuhan ng bagyong Karding – katumbas ng 75.83 porsiyento ng national standing rice crops.
Dahil sa mga naidudulot na pinsalang ito, nararapat lamang na ang Pilipinas ay palaging maging handa upang mapababa ang negatibong epekto ng bagyo sa atin. Ilan na rito ang pananatiling laging updated bago pa man ang pagdating at pananalanta ng bagyo.
Ugaliin natin ang pakikinig at pagbabasa ng mga lehitimong balita sa telebisyon at radyo upang tayo ay mabigyan ng ideya kung gaano kalakas ang paparating na kalamidad.
Dagdag pa, panatilihing kargado ang mga baterya ng mga flashlight at gadget, pati na ang mga back-up na baterya, upang mas mapadali ang rescue operations.
Ugaliin din ang pag-iimbak ng mga pagkain, inuming tubig at first aid kit.
Habang bumabagyo, malaking tulong ang pagsusuot ng rubber gloves at boots para sa karagdagang proteksiyon pati na ang pagpatay ng mga circuit breaker upang maiwasan ang mga aksidenteng sanhi ng koryente.
*Itigil na rin natin ang pagkakalat ng pekeng impormasyon sa social media sapagkat ito ay nagiging sanhi lamang ng panic sa mga mamamayan.*
Para naman sa pamahalaan, dapat ay paigtingin ang paghahanda ng mga lokal na pamahalaan na siyang mas nangangasiwa sa mga apektadong residente. Kung maaari, huwag nang patagalin pa ang pamamahagi ng mga relief packages, gayundin ang mga restoration efforts para sa mga nasirang gusali, kalsada, at suplay ng mga pangunahing pangangailangan.
Bukod sa mga tulong ay nararapat ding magkaroon ang mga lokal na pamahalaan ng post-recovery plan upang sa ganoon ay mas mapabilis ang pagrekober ng mga naapektuhang residente.
Doble dagok ang naranasan ng mga pamilyang nasalanta bago pa matapos ang taon. Bilang mamamayan at tagapangasiwa, isang napakalaking bagay ang mabigyan ang bawat Pilipino ng sapat na suporta sa oras na tayo ay higit na kailangan.