PAINIT NANG PAINIT

PAANO natin paghahandaan ang pinakamainit na mga taon na paparating na? Ngayong taon 2023, inaasahan ang El Niño, pero kahit wala pa man ito, sobrang init na ng panahon.

Nakararanas din tayo ng ‘di pangkaraniwang init kahit may bagyong malapit o kahit nagdeklara na ang PAGASA ng simula ng tag-ulan. May kakaibang nangyayari talaga.

Kamakailan, nag-tweet ang isang Amerikanong siyentipiko na may nagaganap na ‘di kapani-paniwala at kakaiba kaugnay ng pagtaas ng temperatura ng hangin at dagat. Sumang-ayon din ang ibang mga siyentipiko na nagsabing ang susunod na limang taon ay magiging pinakamainit sa tala ng mundo.

Alam na natin marahil ito dahil ilang taon na rin namang nagbibigay ng babala ang mga eksperto. Pero ang hindi inaasahan ay ang bilis ng mga pangyayari at kaunti lamang marahil ang umasa na mangyayari nang napakaaga ang mga bagay na ito.

Ang research scientist sa Yale School of the Environment na si Jennifer Marlon ay nagsabi na nakababahala ang mga pagbabagong ito dahil sa mga epektong naghihintay sa tao ngayong tag-init at taon-taon sa mga susunod pang tag-init, hangga’t hindi natin binabawasan nang madalian ang ating carbon emissions.

Ilang beses ko na ring isinulat ang tungkol sa bagay na ito sa kolum kong ito at nanawagan din nang ilang ulit sa mga tao, mga ahensiya, at mga grupo na maging mas masigasig pa sa pagkilos dahil lahat naman tayo ay kailangang may gawin tungkol sa krisis sa klima. At wala ring nakaaalam kung huli na ang lahat.
(Itutuloy)