(Pagpapatuloy)
KAMAKAILAN sa mga balita, mayroong datos na nagpapakitang binabasag ng taong 2023 ang maraming rekord kaugnay ng klima—at nasa kalahati pa lamang tayo ng taon.
Halimbawa, ipinakikita ng mga datos na ang temperatura sa maraming lugar ay mataas kaysa karaniwan.
Nararamdaman ito sa Europa, Canada, Estados Unidos, Siberia, at Southeast Asia. Pinapatay ng mga heat waves ang mga hayop at pananim, nagsisimula ng mga wildfire, at inilalagay sa peligro ang seguridad sa pagkain sa maraming lugar.
Ang ating mga karagatan ay umiinit din at ang mga numero, ayon sa datos, ay napakataas din kaysa karaniwan.
Kahit mga siyentipiko mismo ay nagtatanong kung bakit. Ang buwan ng Mayo ngayong 2023 ay ang pinakamainit na Mayo kung pag-uusapan ang tala ng temperatura ng karagatan sa daigdig. Ang datos na ito ay galing sa National Oceanic and Atmospheric Administration. Ang pag-init ng ating mga dagat ay magdudulot ng coral bleaching, pagtaas ng tubig, pagkamatay ng iba’t ibang lamang dagat, at mas malalakas na bagyo.
Bukod pa riyan, ang taas ng yelo sa Antarctica ay lubha ring mababa at patuloy na bumababa nang mabilis.
Iniuugnay ito ng mga eksperto sa pag-init ng tubig sa dagat, kaya naman itinuturing itong ‘di pangkaraniwan at tunay na nakababahala. Apektado ang mga hayop sa lugar kagaya ng mga penguin, seal, at iba pa.
At siyempre, patuloy pa rin ang pagsusunog ng tao ng fossil fuels, na siyang nagdudulot ng pagtaas ng carbon dioxide sa ating himpapawid. Ayon sa mga siyentipiko, mas mataas ng 50% ang carbon pollution natin ngayon kumpara sa antas nito bago ang panahon ng Industrial Revolution. At muli, ‘di pangkaraniwan ang antas nitong May 2023.
Patuloy ang pagtaas nito taon-taon sa kabila ng mga pagkilos ng maraming tao sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Ayon sa datos at ebidensiya ng siyensya, kasalukuyang nagaganap ang climate change at walang senyales na babagal o hihinto ito sa lalong madaling panahon.