ISANG nakapintang larawan ni Hesus bilang isang sakada, o magsasaka sa tubuhan, ang inihandog na regalo ni Diocese of San Carlos Bishop Gerardo Alminaza, chairman ng CBCP Episcopal Commission on Seminaries, sa Kanyang Kabanalan Francisco, sa ikalawang bahagi ng Visita Adlimina Apostolorum sa Roma.
Nabatid na makikita sa larawan ang mga tubo na siyang pangunahing produktong sinasaka sa Negros provinces, gayundin ang karit na pantabas sa mga tubo ay sumisimbulo sa sipag at tiyaga ng mga magsasaka.
Ang mga bala na may dugo ang nagpapakita ng militarisasyong kumikitil sa buhay ng mga magsasaka at ang katagang nasusulat sa Bisaya na Hesus sa Katubhan ay nangangahulugang si Hesus sa Tubuhan.
Ayon kay Alminaza, ipinakikita ng larawan ang kalagayan ng mga magsasaka na magpahanggang sa kasalukuyan ay nananatiling mahihirap dahil sa hindi makatarungang pasuweldo, at kawalan ng sariling lupang sakahan.
Sinasalamin din dito ni Hesus ang panghabang buhay na pagka-alipin ng mga magsasaka sa mga mayayamang nagmamay-ari ng tubuhan, at sa kabila ng kanilang pakikipaglaban para sa katarungan ay sinusuklian sila ng karahasan. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.