PAKBET AT PORK STEAK MASARAP KA-PARTNER SA TAG-ULAN

PAKBET

(Ni CS SALUD)

MARAMING pagkain ang masarap magka-partner. Gaya na lang ng puto at dinuguan. Hindi nga naman ito puwedeng paghiwalayin. Para ma-enjoy natin ang sarap, kailangang magka-partner. Kailangang magkasamang kakainin. Hindi lamang din sa tag-ulan ito masarap kahiligan, kundi kahit na sa anumang panahon.

Kinahihiligan din natin ang kape at pandesal sa umaga. Lalong sumasarap ang pandesal kung mainit-init pa ito. Sinasawsaw natin ito o idini-dip sa mainit na kape. Kahit din walang palaman ang pandesal, katakam-takam na.

Masarap din ang pizza at pasta. Sa tuwing nagkakatamarang mag­luto sa bahay o naghahanap ng makakain ang magkakatrabaho, laging nangunguna sa listahan ang pagpapa-deliver ng pasta at pizza. Kung minsan din ay may kasama itong chicken.

Hindi rin puwedeng mawala ang tuyo at gatas kapag champorado ang nasa ating harapan. Masarap din itong kahiligan sa ganitong mga panahong tila nang­­i­nginig tayo sa lamig. Nakapagpapaganda rin ng pakiramdam ang pagkain ng mga nais nating putahe.

Kapag malamig ang panahon, mas ginaganahan nga naman tayong kumain. Tila ba maya’t maya ay naghahanap tayo ng maipanlalaman sa ating tiyan.

Isa sa dahilan kung kaya’t napapakain tayo ng marami kapag malamig ang panahon, pagkain ang nagbibigay sa atin ng init ng pakiramdam.

Pinababa ng malamig na panahon ang body temperature kaya’t madalas tayong nakadarama ng pagkagutom.

At dahil nga naman walang kasing sarap ang kumain, hindi rin nawawala ang pagiging creative natin sa pag-iisip ng putaheng ihahain sa ating buong pamilya. At para maging kakaiba naman ang pagsasaluhan ng mahal sa buhay, isa sa sinubukan naming pagpartnerin ang pakbet at pork steak.

Hindi nga naman puwedeng puro karne o matatabang pagkain ang ihahanda natin sa ating pamilya. Kaila­ngang balansehin natin ito. Kumbaga, kung med­yo mataba, kailangang samahan o paresan ng gulay.

Dahil nga naman may katabaan ang pork steak kaya’t pinartneran namin ito ng pakbet. Sa pagluluto naman ng pak­bet, kaunting bagoong lang ang ginamit namin nang hindi umalat. Huwag ding masyadong lulutuin ang mga gulay nang maging crispy pa at malasap ang sarap nito.

At dahil nga naman, karamihan sa atin ay alam na alam na ang kung paano niluluto ang pakbet, narito naman ang bersiyon namin ng Pork Steak.

PAGLULUTO NG PORK STEAK

PORK STEAKMaraming bersiyon tayong mababasa sa internet o mga cook book kung paano niluluto ang pork steak, narito naman ang bersiyon ng aming pamilya:

Ang mga sangkap na gagamitin natin sa paggawa nito ay ang pork steak, asin, tubig, oyster sauce, Worcestershire sauce, pepper at cornstarch.

Paraan ng pagluluto:

Ihanda muna ang lahat ng mga kakailanga­ning sangkap. Hugasang mabuti ang pork steak. Kapag nahugasan na itong mabuti, patuluin ang excess o sobrang tubig. Kapag natanggal na ang excess na tubig, pahiran na ng kaun­ting asin at paminta ang karne. Hayaang manuot sa karne ang lasa.

Pagkatapos ay magsalang ng lutuan at pakuluan ang karne na pinahiran ng asin at paminta.

Sa isang malinis na lalagyan ay pagsamahin naman ang ½ na tasang Oyster sauce at 1/4 cup na Worcestershire sauce. Ibuhos ito sa pinapakuluang karne. Kapag lumambot na ang karne, magsalang naman ng kawali, lagyan ng mantika at painitin. Iprito ang pork steak sa malakas na apoy. Huwag patatagalin ang pork steak sa pagkakaprito nang hindi ito masunog. Malambot na ang pork steak kaya’t papulahin lang ito nang bahagya saka ilagay sa isang lalagyan at patuluin nang mawala o matanggal ang dumikit na mantika.

Sa isa pang lalagyan ay paghaluin naman ang 1 teaspoon ng cornstarch at kalahating tasang tubig at saka ibuhos sa broth o sa pinagpakuluan kanina ng pork steak. pakuluin hanggang sa lumapot ang sauce.

Pagkatapos ay ilagay sa isang lalagyan ang pork steak saka ibuhos sa ibabaw nito ang ginawang sauce. Budburan ng hiniwang sibuyas sa ibabaw. Ihanda kasama ang mainit na kanin.

Napakarami nga namang paraan upang makapaghanda tayo ng masarap sa ating pamilya, lalo na sa mga panahong malamig at lagi tayong naghahanap ng makakain.

Comments are closed.