PINASUSUSPINDE ni dating Senador Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos II sa mga financial institution, kabilang ang mga bangko, ang paniningil ng mga bayarin ng kanilang mga kliyente ngayong nahaharap sa krisis sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang bansa.
“Tayo ay nananawagan sa mga bangko at financial institutions na pansamantalang suspendihin ang paniningil ng mga mortgage payments at bigyan ng palugit ang ating mga kababayan na naapektuhan ang kabuhayan at kita sa gitna ng global epidemic na ito,” wika ni Marcos.
“Ako rin ay nakikiusap na suspendihin ang paniningil ng bayad para sa mga utilities at iba pang mga regular na bayarin para sa mga naapektuhan ng virus.”
Ang tinutukoy ni Marcos na utilities ay ang koryente at tubig.
Ang panawagan ni Marcos sa financial institutions at mga kompanya na distributor ng koryente at tubig ay paghikayat sa mga negosyante na higit na pagtuunan ng pansin ang pakikipagtulungan sa pamahalaan at publiko upang hindi na madagdagan ang mga biktima ng COVID–19.
“Tayong lahat ay dapat humanap ng paraan upang matulungan ang isa’t isa sa panahon ng krisis na ito,” diin ni BBM.
Base sa ulat ng Department of Health (DOH), umabot na sa 52 ang kumpirmadong kaso ng COVID–19 sa bansa hanggang kahapon.
Sa kasong ito, dalawa na ang namatay: isang Chinese at ang 67-anyos na Filipina.
Dahil sa mabilis na pagkalat ng sakit ay hinikayat ni BBM ang publiko na umiwas muna sa paglabas ng bahay kaya iminumungkahi rin niya ang “work from home” sa mga empleyado.
Sa Facebook, nanawagan si Marcos sa mga employer na pahintulutan ang kanilang mga manggagawa na manatili muna sa bahay dahil isa ito sa mga posibleng mabisang paraan para maiwasan ang pagkalat ng virus.
“Isang paalala sa ating pribadong sektor na mayroon tayong Telecommuting Act na siyang basehan para sa ‘work from home’ na sistema. Isang alternatibong paraan para magampanan ang mga tungkulin sa trabaho gamit ang teknolohiya,” ayon pa sa dating senador.
Ipinaalala rin niya na tungkulin ng mga employer at ng pamahalaan na siguruhing maayos ang kalagayan ng mga manggagawa.
“Ang mga inisyatibong gaya nito ay dapat pag-aralan dahil katungkulan ng mga employer at mga nakatataas sa gobyerno na siguraduhing ligtas ang bawat manggagawang Filipino,” aniya.
Kasabay nito ay hinikayat ni BBM ang publiko na ugaliin ang tamang paglilinis ng katawan at paghuhugas ng kamay.
“Katuwang nito ang ating palagiang paalala na pagpapanatili ng malinis na pangangatawan at pagsuot ng face mask bilang mga pangunahing proteksiyon,” dagdag ni Marcos.
“Ako ay nananalangin at umaasa na mapipigilan pa ang pagkalat ng sakit na ito. Ngunit patuloy ang aking apela sa mga kinauukulan ng mabilis at agarang pag-aksiyon,” pagtatapos ni Marcos.
Kaugnay nito, hindi naiwasang hangaan ni BBM ang pagtugon ng pamahalaan ng Macau sa paglaban sa COVID-19.
Pinuri niya ang aksiyon ng Macau government na inuna ang kapakanan ng mamamayan nito bago ang kita na naging daan din ng pagbagal ng pagkalat ng sakit sa nasabing rehiyon.
Bagaman itinuturing na gambling capital, hindi aniya isinugal ng pamahalaan nito ang kaligtasan ng kanyang mamamayan.
Naging mabisang paraan umano ang pagpigil ng Macau sa pagtanggap ng mga turista, ilang araw matapos magsimulang kumalat ang virus.
Ipinatupad ang forced check out at quarantine sa lahat ng turistang mula sa Wuhan; nagtalaga ng isang hotel upang maging pasilidad sa quarantine; isinara ang lahat ng casino, establisimiyento, lugar na pasyalan at maging mga eskuwelahan sa loob ng 14 araw; nilibre ang bayarin sa tubig at koryente sa loob ng tatlong buwan; may sistematikong health declaration card araw-araw; mga pulis na nagpapatrolya araw-araw upang masigurong walang lalabas ng bahay sa loob ng 14 araw; halos oras-oras na nagbibigay ng impormasyon sa publiko; sapat na supply sa mga supermarket upang walang mag-panic buying; pinagmumulta ang mga hindi sumusunod sa direktiba ng pamahalaan tulad ng palagiang paggamit ng facemask at pagtulong sa mga dayuhang manggagawa at residente nito.
Dapat aniyang matuto ang mundo mula sa mga pamamaraang ito ng Macau dahil makalipas ang isang buwan ay wala itong naitalang kaso ng naturang virus.
Comments are closed.