PAKIKIISA SA DIGMA

MASAlamin

ANG Filipino League of Advocates for Good Governance o FLAGG, na pinamumunuan ng inyong lingkod ay nananawagan sa a­ting mga kababayan na magkaisa sa likod ng ating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na nahaharap sa isang napakalaking hamon sa kanyang administrasyon. Ang hamon ay dulot ng kanyang pag-review sa kontrata ng mga water concessionaire na nadiskubre niyang dispalinghado, mapagsamantala, mapang-api at lubos na nagpapahirap sa ating mga kababayan.

Ang Maynilad at Manila Water, na pag-aari ng pamilyang Ayala at Manny V. Pangilinan, ay nagkakamal ng daan-daang bilyong piso sa kabila ng kanilang palpak na serbisyo sa pagdi-distribute ng tubig sa ating mga tahanan at establisyimento. Pinapayagan sila ng kanilang kontrata na magtaas ng singil sa tubig anumang oras na kanilang gugustuhin. Pine-penalize rin nila ang pamahalaan ng bilyon-bilyong piso sa mga pagkakataong kailangang makialam ito para sa kapakanan ng taumbayan. Nagsisilbing hadlang din ang mga water concessionaire na ito sa Build Build Build Program ng administrasyon dahil sinisingil din nila ang pamahalaan ng sobra-sobra sa mga tinatamasang tubo dahil sa malawakang konstruksyong pang-impraestruktura.

Sinisingil din ng Manila Water at Maynilad ang bawat kabahayan para sa water treatment samantalang nanatiling mabaho at nagdudulot ng pagkakasakit ang lumalabas na tubig sa ating mga gripo. Maaalalang ilang dekada ang nakararaan ay naiinom ng mga estudyante ang tubig na ‘yan sa gripo at matamis ‘yan, salungat sa nararanasan natin ngayon.

Nag-aasta ring diyos ang Manila Water at Maynilad sa kanilang pagdedeklarang ang tubig na lumalabas sa a­ting mga gripo ay isang commodity o produkto ng kanilang mga kompanya samantalang ito ay libreng biyaya mula sa kalikasan at bahagi ng ating pambansang patrimonyo bilang mga Filipino. Tama ang Pa­ngulong Duterte, tunay na ninakaw na nga ng mga Ayala at Pangilinan ang ating soberaniya. Pagmamay-ari na nga tayo ng mga Ayala at Pangilinan, mga alipin ng tubig na pagmamay-ari natin subalit kanilang inaangkin!

Distributor lamang sila o tagapamahagi, ngunit dahil sa kapangyarihan ng kanilang salapi ay nagagawa nilang gawing itim ang puti at ang puti ay itim. Ngunit hindi na ngayon, kung magkakaisa lamang ang bawat Filipino, anuman ang kanilang kulay sa politika, dahil hindi na ito usapin ng politika kundi survival o pagtatawid ng ating integridad bilang nasyon o kalipunan ng malayang mga indibidwal at pagbawi natin sa ating pambansang soberaniya.

Hindi pa nagkasya ang mga mandarambong, pati ang kanilang corporate income tax ay sa mga mamamayan ipinababayad. Nilubos-lubos na ang pandodo­robo, kinalimutan na ang salitang ‘hiya’!

Hindi tunay na mga negosyante ang mga Ayala at Pangilinan, sila’y mga walang konsensiyang alipin ng pagka-ganid.

Ito ay deklarasyon ng pakikiisa sa digmaang kinakaharap hindi lamang ni Duterte, kundi ng bawat mamamayang Filipino na naniniwala pa na sila ang higit na makapangyayari sa bansa at hindi ang bangis ng pananamantala.

Comments are closed.