PAKIKINIG NG MUSIKA PANGKARANIWAN NA SA ATING MGA PINOY

MUSIKA

ISA SA kinahihiligan o pangkaraniwan na sa ating mga Pinoy—bata man o matanda, ang pakikinig ng musika. Wala nga namang duda. Kahit sino, kapag tinanong mo kung mahilig bang makinig ng musika, oo ang karamihang isasagot.

Pansinin na lang natin ang mga taong nakakasa­lamuha o nakakasabay natin sa pampublikong sasakyan, karamihan sa kanila ay nakasuot ng ear-phone at nakikinig ng musika.

Hindi lang din naman mga magagaling o marurunong kumanta ang mahilig makinig ng musika, gayundin ang mga pinagkaitan ng magandang tinig.

Para sa ilan, marahil ay hindi nila naiisip na napakaraming benepisyo ang naibibigay ng musika sa buhay at kalusugan ng isang tao. Maaaring pampalipas lang nila ito ng oras. Para nga naman hindi mabagot sa biyahe lalo na kapag traffic, bakit hindi na lang makinig ng musika.

Hindi napapansin ng ilan na ang pakikinig ng musika habang nasa biyahe at sobrang traffic ay nakatutulong upang hindi kaagad sila mainis o ­uminit ang ulo.

Sa puntong ito pa lang, sabihin man nating hindi aware ang isang taong nakikinig ng musika, may maganda na itong naidudulot sa kanya.

Hindi nga naman maitatanggi ang napakara­ming benepisyong nakukuha sa pakikinig pa lang ng musika. At ilan nga sa benepisyo ng pakikinig ng music ay ang mga sumusunod:

NAKAPAGPAPA­NGITI O NAKAPAGPAPASAYA

Kung tutuusin, wala namang pinipiling oras, araw o panahon ang pakikinig ng musika. May ilan na kapag malungkot sila at nag-iisa, nakikinig ng kinahihiligan nilang tugtog. Ang iba naman, talagang hindi na puwedeng mawala sa kanilang pang-araw-araw na buhay ang pakikinig ng musika.

Kumbaga, malungkot man sila o masaya, lagi’t laging karamay at kasa-kasama nila ang iba’t ibang tugtugin o awiting nagmarka na sa kanilang puso at buhay.

Sa katunayan, nakapagpapasaya o nakapagpapangiti ng puso ang pakikinig ng musika. Ito ay dahil sa naglalabas ng dopamine, isang neurotransmitter ang brain na nagiging daan upang mapataas ang nadaramang kaligayahan ng isang taong nakikinig ng gusto niyang musika.

NAKAPAGPAPAGANDA NG OVERALL HEALTH

Kapag malungkot din o stress ang isang tao, mabuti rin ang pakikinig ng musika. Mayroon ka­sing direktang epekto ang musika sa ating hormones.

Kumbaga, sa pama­magitan ng pakikinig ng mga kinahihiligan mong musika ay mawawala ang nadarama mong stress sa pamamagitan ng pagbaba ng level ng hormone cortisol sa katawan.

Alam naman nating isa sa dahilan ng pagkakasakit ng marami ay ang stress. Kaya para mapa­ngalagaan ang kabuuan o overall health, iwasan ang stress.

At para naman maiwasan ang stress, solusyon naman diyan ang pakikinig ng mga paboritong tugtugin o awitin.

MAINAM SA MAY INSOMIA

Marami sa atin ang hirap makatulog. Ginagawa na ang kahit na anong pa­raan para lang makaidlip, pabiling-biling pa rin sa higaan at tila ayaw lapi-tan ng antok.

May ibang kahit na uminom ng maligamgam na gatas bago ang paghiga sa kama, nahihirapan pa ring makatulog. Kaya’t sa hirap diyang makatulog, isa sa napakagandang subukan ang pakikinig ng musika.

Ayon sa isang pag-aaral, ang pakikinig uma­no ng classical o relaxing na mga musika ay nakapagpapakalma sa pakiramdam o kabuuan ng isang tao. Nakita rin sa ­ilang mga pag-aaral na ang pakikinig din ng musika ng isang oras bago ang paghiga ay nakapagpapahimbing ng tulog.

Kaya kung hirap makatulog sa gabi, maki­nig ng musika. Dalawa naman sa musikang dapat pagpilian ay ang classical at relaxing.

NAKAPAGPAPAGANDA NG MEMORYA AT MOOD

Ayon naman sa researchers, ang pakikinig ng musika ay nakatutulong din upang mag-improve ang memory.

Sinasabing natutulungan umano ang ating utak ng rhythm at melody upang makabuo ng patterns na makapagpapa-enhance ng ating memory.

Bukod din sa napagaganda nito ang memory ng isang tao, nakatutulong din ito upang mag-improve ang mood.

NAKABABAWAS NG NADARAMANG SAKIT

Isa pa sa magandang benepisyo ng pakikinig ng musika ay ang pagi­ging konektado nito sa nadaramang sakit ng isang tao.

Sa pag-aaral, lumabas na ang mga pasyenteng nagpapagaling at nagpapalakas mula sa surgery na nakikinig ng musika ay mas less ang nadaramang sakit kumpara sa mga tao/pasyenteng hindi nahihilig sa musika.

Ang mga nakalista sa itaas ay ilan lamang sa mga benepisyong naidu­dulot ng musika sa ating buhay at maging sa ating kalusugan.

Kaya ano pang hinihintay ninyo, makinig na ng musika upang makuha ang mga benepisyong ­taglay nito. CT SARIGUMBA

Comments are closed.