Kumpirmadong pumanaw na ang beteranong aktor at direktor na si Manny Castañeda, batay sa pahayag ng kapwa direktor at kasalukuyang FDCP chairperson na si Jose Javier Reyes.
Ani Javier na matalik na kaibigan ni Castañeda, July 1 ng umaga, Lunes, namaalam si direk.
Nasa elementarya pa lamang umano ay best friends na sina Castañeda at Javier. Nagkahiwalay daw sila noong high school ngunit muling nagkita sa La Salle noong college, at hindi na ulit sila nagkahiwalay pa.
Kapwa sila naging teacher bago pa nila pinasok ang magulong mundo ng show business.
Umabot umano ng 61 years ang kanilang pagkakaibigan kaya masakit sa kanya ang pagyao ni Manny. Nasanay na siyang kasama ito, ay hindi niya alam kung ano ang gagawin niya ngayong wala na ang kanyang best friend.
Para Kay Javier, si Castañeda ang the best.
“We may have our differences in political beliefs, we may have our arguments but we were there for each other… all the way,” dagdag pa niya.
Walang detalye kung kailan at kung ano ang sanhi ng pagpanaw ni Manny. Basta Sabi ni Javier, July 1.
Nagsimula bilang aktor si Manny Castañeda noong 1979, sa pelikulang Aliw.
Nakasama siya sa mga pelikulang Oro Plata Mata (1981), Relasyon (1982), Bukas Luluhod Ang Mga Tala (1984), Tinik Sa Dibdib (1985), at Sana’y Wala Nang Wakas (1986).
Kasama rin siya siya sa Darna (1991), Ikaw Ang Lahat Sa Akin (1992), Bakit Labis Kitang Mahal (1992), Hindi Kita Malilimutan (1993), Loretta (1994), Nag-iisang Ikaw (1996), Nang Iniwan Mo Ako (1997), Scorpio Night 2 (1999), Pedro Penduko Episode II (2000), Pinay Pie (2003), at Sakal Sakali Saklolo (2007).
Nagsimula siya sa pagiging direktor noong dekada ’90 kung saan idinirek niya ay ang Guwapings Dos (1993), Ging Gang Gooly Giddiyap: I Love You Daddy (1994), Kailanman (1996), Sa Kabilugan ng Buwan (1997), April May June (1998), May Isang Pamilya (1999), at Shame (2000).
Ang huli niyang performance ay sa drama series na Makiling ngayong 2024.
Nakikiramay at nakikidasal ang editorial staff ng Pilipino Mirror sa mga naiwang mahal sa buhay ni Castañeda.