HINIKAYAT ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang lahat ng mall owners na huwag magdaos ng sale mula Lunes hanggang Biyernes kasabay ng nalalapit na Kapaskuhan.
Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia, ang pakiusap ng MMDA ay inihayag kahapon sa isinagawang pagpupulong sa mga mall owner na una nang pumayag na magbukas ng alas-11:00 ng umaga simula Nobyembre 5 hanggang Enero 14 sa susunod na taon.
“Kung may sale naman po sila baka puwedeng isagawa tuwing weekend na lang,” pahayag ni Garcia.
Ang hindi pagsasagawa ng sale ng mga mall owners sa weekdays ay isang malaking kabawasan at kanilang nakikitang solusyon sa mabigat na daloy ng trapiko sa EDSA.
Sinabi ni Garcia na wala pang sagot ang mga mall owner sa kahilingan ng MMDA maliban sa kanilang pagpayag na i-adjust ang kanilang operating hours na alas-11:00 ng umaga para sa opening upang hindi makapagpalala ng traffic kasabay ng inaasahang pagdagsa ng mga mamimili.
Samantala, puspusan na ang paghahanda ng MMDA para sa inaasahang lalo pang pagsisikip ng daloy ng trapiko sa Kapaskuhan.
Ayon kay MMDA Spokesperson Celine Pialago, kabilang sa paghahandang ito ang pakikipag-diyalogo nila sa mall operators sa Libis, Marcos Highway at EDSA.
Samantala, nagpatupad na rin ang MMDA ng moratorium sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Manila Electric Company (Meralco), water concessionaires at iba pa na maaaring makaabala sa daloy ng trapiko. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.