PAKIUSAP NI SALCEDA SA SENADO: DDR BILL AGAD NA IPASA

Albay-Rep-Joey-Salceda

MARIING nakikiusap si Albay Rep. Joey Salceda sa Senado na ipasa agad ang bersiyon nito ng Department of Disaster Resilience (DDR) bill pagkatapos ng eleksiyon sa Mayo o bago magtapos ang kasalukuyang sesyon ng Kongreso.

Ginawa ang pakiusap kaugnay ng mga pananalasa ng kalikasan gaya ng kasalukuyang El Niño at ang apat na sunod-sunod na lindol ang yumanig sa Luzon, Samar, Zambalez at Davao kamakailan na nagdulot ng ibayong pinsala at takot sa maraming mga mamamayan. Bukod sa 16 na kinitil nitong buhay, 14 pa ang nawawala, 86 ang malubhang nasaktan at daang libong mga pasahero sa eroplano ang naantala ang mga biyahe.

Si Salceda ang pangunahing may-akda ng DDR bill (House Bill 6075) sa Kamara. Ayon sa kanya sadyang matindi na ang pangangailangan sa DDR ng bansa dahil ‘survival’ na o kaligtasan ng bayan ang nakasalalay rito.

Paulit-ulit nang hini­ling ni Pangulong Duterte sa Kongreso ang paglikha sa DDR. Noong nakaraang taon, ipinasa ito ng Kamara. May problema nga lang sa Senado dahil walang chair-man ang Senate Committee on Climate Change. Si Sen.Loren Legarda na dating puno nito ay nagbitiw dahil kumakandidato siya ngayon sa isang posisyong lokal. Hiniling ni Salceda kay Senate President Tito Sotto na magtalaga na ng bagong mamumuno sa Senate Committee.

Layunin ng panukalang DDR na maging pangunahing ahensiya na ma­ngunguna, mangangasiwa at mag-uugnay-ugnay sa lahat ng hakbang at programa ng pamahalaan para mai-wasan, mapaghandaan at mapagaan ang dagok ng mga pananalansa, makabangon sa mga ito at patuloy na isulong ang progreso ng bayan at lipunan.

Ayon kay Salceda, tumutugon ang panukalang DDR sa nais na ahensiya ng Pangulo na mayroong “unity of command, science-based approach and full-time focus for natural hazards and even human-induced disasters, with a ‘Whole-of-Government and Whole-of-Nation’ approach.”

Pamumunuan ito ng isang Cabinet secretary at suportado ng mga ‘undersecretaries, assistant secretaries and directors.’ Ang Office of Civil Defense ang magiging buod ng organisasyon nito. Bukod sa nabanggit ng mga gagam­panan nito, tutulungan din nitong mapalakas ang kakayahan ng mga pamahalaang lokal sa ‘disaster risk reduction’ at pangangasiwa sa mga ‘climate change action plans, programs, projects, and activities.’

Inaamyendahan ng DDR bill ang RA 10121 kung saan ipinauubaya sa mga LGU ang pangunahing tungkulin sa pagtugon sa ‘disaster risks reduction (DRR).’ Ang pagbabagong nilalayon ay hango sa mga aral na natutunan mula sa supertyphoon Yolanda na bumugbog sa Leyte at Samar ilang taon na ang nakaraan.

Bukod sa OCD na magiging “core component” ng DDR, ililipat din dito ang ‘Climate Change Commission, Geo-Hazard Assessment and Engineering Geology Section’ ng ‘Mines of the Geosciences Bureau’ ng DENR, ‘Health Emergency Management Bureau’ ng DOH, ‘Disaster Response Assistance and Management Bureau’ ng DSWD, at “Bureau of Fire Protection’ ng DILG, samantalang ang PAGASA at PHIVOLCS ng DOST ay magiging mga ‘attached agencies’ nito.

Sa ilalim ng DDR bill, mananatilili at lalo pang palalawakin ang National Disaster Risk Reduction and Management Council, bukod sa lilikhain din ang ‘Multi-Stakeholders’ Convergence Unit’ na tutulong sa DDR sa pakikipag-ugnay sa pribadong sektor, ‘civil society organizations, academe,’ at iba pa para lalong mapatibay ang ugnayang “public-private cooperation’ sa ‘disaster resilience.’

Comments are closed.