PALABAN ANG ELITE

on the spot- pilipino mirror

SI NARD John Pinto ang naging susi sa ikatlong sunod na panalo ng Blackwater Elite laban sa NorthPort Batang Pier, 113-111, nitong Miyerkoles. Isang ma­lakas na bombang 3-pointer ang ibinato ni Pinto upang mabalik ang momentum ng mga player ni coach Bong Ramos. Sad­yang bilog ang bola. Sa halftime ay malaki ang kalamangan ng Batang Pier na umabot pa ng 18 points.

Pero hindi nawalan ng pag-asa ang Elite, bagkus ay hu­mabol pa kaya naman sa mga huling segundo ng 4th quarter ay luma­mang pa ng dalawang puntos ang Blackwater upang maitala ang 3-0 kartada. Kung hindi magbabago ang magandang simula ng team ay walang dudang magkaroon ng katuparan ang pangarap ng management na makapaglaro sila sa finals.



Ano ang nangyayari sa coaching career ni PBA legend Jerry Co­dinera? Una, nag-resign siya bilang head coach ng Imus team sa MPBL, isang panalo lang ang naibigay niya. Subalit nang pansamantalang palitan siya ni team manager Mike Orquillas ay apat na sunod na panalo ang naiuwi ng team. Ano ang problema?

Ito ngayon, muling nag-resign si Codinera bilang head coach naman ng Arellano University dahil nakakaapat pa lang na panalo ito, 4-7, sa NCAA. Pansamantalang si Junjie Ablan ang humalili kay coach Jerry. Si Junjie ay isa sa mga assistant coach ni Bong Ramos sa Blackwater Elite. Ngayon lang naman mababa ang laro ng Arellano, unlike noong mga nagdaang season ng NCAA kung saan pumasok pa sa finals ang university. Tingin ko ay may mas malalim na dahilan kung bakit iniwan ni Codinera ang team nito. Siyempre ay hindi naman basta-basta iiwan ng coach ang team kung ‘luz valdez’ lang ang pag-uusapan. Kung tutuusin, puwede pa humabol.

Tsika namin, kaya bumaba si coach Jerry ay dahil sa player na inactivate niya uli na si Osama Abdurasad. Noong una ay inactivate na niya ito, then inilagay ulit sa reserved sa pangalawang pagkakataon, ibinalik niya ang player which is bawal pala sa rules ng NCAA.



Congrats naman kay Clarice Patrimonio, anak na dalaga ni PBA legend Alvin Patrimonio. Si Clarice ay napasama sa ‘Top 25’ sa katatapos na ‘Mutya ng Pilipinas’ na ginanap sa MOA Arena noong Sept. 16. Napili rin siya as ‘crowd favorite’. Very proud pa­rents sina Alvin at Cindy Patrimonio sa na-achieve ng anak. Suwerte ni Clarice, nang hindi napasama sa Asian Games ay naging maganda ang kapalaran niya sa beauty pageant. After ng Mutya ng Pilipinas ay posibleng sumali ang tennis player sa Bb. Pilipinas. Walang imposible kasi pang-beauty queen ang height at ganda ni Clarice, ‘di ba, Mama Cindy?

Comments are closed.