MAYNILA- “STOP giving money to the so-called ‘streetdwellers’ because it does not yield good results in the long run.”
Ito ang panawagan ni Manila Mayor Isko Moreno sa lahat ng motorista at sa publiko sa pangkalahatan kasabay ng pagbubunyag nito na may 700 na bilang ng mga palaboy o homeless people ang naialis sa lansangan ng pinagsanib na puwersa ng Manila Police District (MPD) sa ilalim ni Manila Police District Director, BGen. Rolly Miranda at ng Manila Department of Social Welfare sa pamumuno ni Re Fugoso.
Ang nasabing palaboy kung hindi man lasing ay sabog sa droga.
Ibinunyag din ni Moreno na ang mga pasilidad ng lungsod ay para kupkupin ang mga nasabing palaboy sa simula pa lamang ng pandemya at ito ay punong-puno na at nangangahulugan din ito ng dagdag gastos sa kaban ng bayan dahil maging ang hindi taga-Maynila ay kinukupkop na rin sa mga pasilidad sa loob ng apat na buwan at naglalagay din sa mga taga-Maynila sa peligro na sila ay mahawa sa COVID-19.
Ayon sa alkalde mayroon ng 300 na bilang ng mga palaboy at walang matirahan ang kinukupkop sa pasilidad sa lungsod at kapansin-pansin ang biglaang pagdami nito.
Hindi aniya maintindihan ni Moreno kung bakit ang isa ay gugustuhing manirahan sa kalye at tatakas sa pasilidad kung saan siya pinapakain ng tatlong beses isang araw, may disenteng palikuran na may partisyon, gatas para sa kanilang mga anak at tahimik na kapaligiran.
Bukod pa aniya sa pagpapakain at pagbibigay ng masisilungan, sinailalim din ang mga palaboy sa COVID-19 testing. VERLIN RUIZ
Comments are closed.