PALAKASIN ANG SALT PRODUCTION

KAHIT mababa na ang bilang ng COVID-19 cases sa Pilipinas, nariyan pa rin ang banta ng krisis sa pagkain.

Noong Mayo nga ngayong taon, nagbabala ang World Bank, World Trade Organization, Food and Agricultural Organization of the United Nations at World Food Program ukol sa kakaharaping food crisis ng mundo.

Walang ibang itinuturo kundi ang pandemya at ang nangyayaring kaguluhan sa Ukraine.

Ang mga maliliit na bansa tulad ng Pilipinas ang pinaka-apektado rito.

Karaniwang ang mga mahihirap na bansa ay umaangkat ng kanilang mga pangunahing pangangailangan.

Hindi nga naman mabubuhay ang mga ito kung hindi aangkat lalo ng pagkain.

Ngunit ginagamit ng ilang mapagsamantala sa gobyerno at pribadong sektor ang sitwasyon para magkamal ng pera sa pamamagitan ng importasyon.

Sa importasyon kasi, nagiging legal ang smuggling.

Kaya nag-iingat ang gobyerno ni Pangulong Bongbong Marcos sa pagdedesisyon hinggil dito.

Noong una, asukal ang gustong angkatin.

Dahil daw hindi nakalusot, asin naman ang pinalalabas na kinakapos daw ng suplay?

Kilala ang asin (salt) bilang isang mineral na pangunahing binubuo ng sodium chloride.

Napakahalaga nito para sa mga hayop sa maliliit na dami.

Gayunman, mapanganib din ito sa mga hayop at halaman kung labis.

Pangunahing pampalasa sa lutuin ng mga Pinoy ang asin mula pa noon.

Sinasabing ito ang dahilan kaya ang asin ang isa sa mga pinakaluma at karaniwang pampalasa ng pagkain.

Ang pagbuburo (salting) ay isang mahalagang paraan ng pag-iimbak ng pagkain na namana natin mula pa sa ating mga ninuno.

Napapaligiran tayo ng karagatan kaya mababa ang halaga ng asin sa ating bansa.

Kaya nakakagulat na pati ito ay aangkatin na natin?

Mataas pa rin ang presyo ng tinapay, noodles, sardinas, corned beef, meat loaf, gatas, karne, naka-botelyang inuming tubig, sabong pampaligo o panlaba, baterya, kandila, asin at marami pang iba.

Bunga ng mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin, saan na hahantong ang buhay ng mga mahihirap na isang kahig, isang tuka?

Apektado na rin ang mga nagdidildil ng asin dahil pa ito’y maaaring magtaas din.
Bukod sa mataas na bilihin, nagbabayad pa ng upa sa bahay, internet, koryente at tubig ang mga mahihirap.

Nagpahayag pa nga ang isang opisyal ng Department of Agriculture (DA) na may salt shortage daw talaga sa bansa.

Siyempre, ang magiging kasunod niyan ay pag-i-import ng maraming suplay.

Kapag nangyari iyan, sobrang nakakahiya sa mga kapitbahay nating bansa.

Tiyak na papatawan din ng buwis ang asin dahil sa importasyon.

Naku, ang mga mahihirap ang unang tatamaan sapagkat sila ang laging gumagamit ng asin.

Asin na nga lang ang kanilang ginagamit para sa kanilang pang-araw-araw na pagluluto ay tataas pa ito.

Maaapektuhan nito ang negosyong bagoong, daing, toyo, patis, at iba pang maaalat na panimpla o condiments.

Magtataas din sila ng presyo at pawang mahihirap na mamamayan ang tatamaan.

Lagi tayong nakadepende sa pag-angkat ng mga pangunahing produkto.

Nakagawian na ang ganitong praktis.

Sa halip na ang pagbuhusan ng pansin kung paano mapaparami ang ani o ang nagagawang asin, ang pinagsusunugan ng kilay ay kung paano makakaangkat.

Huwag naman sanang mag-angkat pa ng asin dahil lalong kahiya-hiya at tila may gusto lang kumita.