SA METRO Manila gaganapin ang unang Palarong Pambansa ng bagong dekada.
Ang Marikina City ang napiling bagong host ng annual sports meet ng elementary at high school student-athletes makaraang umatras ang Mamburao, ang orihinal na itinalagang host town para sa 2020.
Ang Mamburao at ang buong lalawigan ng Occidental Mindoro ay labis na sinalanta ng bagyong Tisoy, na direktang tumama sa buong Mindoro Island.
Base sa findings ng disaster risk management office ng Occidental Mindoro, ang pag-atras sa Palarong Pambansa hosting ay iminungkahi.
Kinumpirma ni Education Undersecretary Revsee Escobedo, sa isang memorandum na ipinagkaloob kay Marikina Schools Division officer-in-charge Sheryll Gayola, na papalitan ng Marikina ang Mamburao bilang host ng Palaro sa susunod na taon.
Nakasaad sa nasabing liham na nakatakdang magpadala si Escobedo, ang secretary-general ng meet, ng management team sa Marikina Sports Center upang inspeksiyunin ang venue at ang ilang lugar na maaaring pagdausan ng ilang laro.
Ito ang unang pagkakataon na magiging host ang Marikina City sa Palarong Pambansa, samantalang ito ang ika-5 hosting ng Metro Manila sa meet magmula noong 1966. PNA
Comments are closed.