DAVAO CITY – Muling nadominahan ni defending champion Lheslie De Lima ng Bicol Region ang 3000-meter run secondary girls upang kunin ang unang gold medal sa Palarong Pambansa 2019 dito kahapon.
Tinalo ni De Lima ang mahigpit na katunggaling si Camila Tubiano ng Northern Mindanao sa huling 200 metro sa oras na 10 minutes at 22.42 seconds kasabay sa pagsikat ng haring araw.
Dumating si Presidente Rodrigo Duterte mula sa matagumpay na pagdalo sa Belt and Forum sa Beijing upang maging panauhing pandangal sa opening ceremony na sinaksihan ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William Ramirez at ng mga lokal na opisyal, sa pangunguna ni presidential daughter at Mayor Sarah Duterte.
Nakapaa na tinakbo ni De Lima ang 3000m at unang dumating sa finish line, kasunod si Lovely Cordovilla ng Central Luzon na nagtala ng 10:38.82.
Hindi man nahigitan ang kanyang personal best na 10:06 at ang Philippine record na 10:09.00 ni Rosalinda Catulong, umukit naman si De Lima ng kasaysayan bilang unang runner na nanalo ng tatlong sunod sa 3000m sa loob ng 71 taon magmula nang umpisahan ang Palarong Pambansa noong 1948 sa Manila.
Nang tanungin kung bakit ayaw niyang gumamit ng running shoes, malumanay na sagot ni De Lima, “Mas comfortable akong tumakbo nang nakapaa kaysa may running shoes.”
Sa kanyang panalo ay tatanggap si De Lima, anak ng magsasaka, ng P20,000 pabuya mula kay Regional Director Gilbert T. Sadsad.
Balak kunin ni UST athletic coach Manny Calipes si De Lima matapos na maglaro sa kanyang region.
“She is the kind of athlete I am looking for. She’s only 14 years old and four years to play for her region. Marami pang pahihirapan si De Lima sa apat na taon paglalaro sa Palarong Pambansa.” CLYDE MARIANO
Comments are closed.