PALASYO ‘DI MAGLALABAS NG MEDICAL BULLETIN’

Salvador Pa­nelo

GAGAWIN lamang ang pagpapalabas ng regular medical bulletin kaugnay sa health condition ni Pangulong Rodrigo Duterte sakaling may tinataglay siyang seryosong karamdaman.

Ito ang iginiit ni Presidential Spokesman Salvador Pa­nelo na nagsabing walang plano ang Malakanyang na magpalabas ng regular medical bulletin bunsod na rin ng lumabas na survey ng Social Weather Stations (SWS) na mayorya ng mga Filipino ang naniniwala na maysakit ang Punong Ehekutibo.

Sa halip ay binigyang-diin ni Panelo na positibo ang kanilang pagtingin sa inilabas na SWS survey na aniya’y pagpapakita ng malasakit ng mayorya ng Filipino sa health condition ng Pangulo.

Ayon kay Panelo, hindi aniya inoobliga ng batas na maglabas ng medical update ang Pangulo para ilahad sa publiko ang kondisyon nito.

Sinabi pa ni Panelo na mag-iisyu lamang ng medical bulletin ang Malakanyang kapag ang Pangulo ng bansa ay may seryosong karamdaman at kung malubha ito.

“It will not, because the Constitution requires serious illness. The President knows he is not in serious illness. He is not obligated to release anything about his condition,” giit pa ni Panelo.

Paliwanag pa ni Panelo na hindi naman nakikita sa Pangulong Duterte ang pagkakaroon ng sakit dahil halos araw-araw ay nakikita ng publiko  dahil sa mga dinadaluhang aktibidad hindi lamang sa Metro Manila kundi ma­ging sa iba’t ibang lalawigan sa buong bansa.

Ang pagiging transparent aniya ng Pangulo ang bahalang magsalita sa estado ng kalusugan nito bukod pa sa kaliwa’t kanang schedule na dinadaluhan nito hindi lang week days kundi pati na ma­ging weekends.

“He’s in fact the most transparent President. He keeps on telling us, ito ang sakit ko, may sakit ako sa… wala nga akong alam na ang Presidente ganoon eh – siya nga ang pinaka-transparent,” giit pa ni Panelo.

“We look at these survey results with a positive outlook. It means that not only many Filipinos love the President but those who care for him have increased by 11%. Translated into the number of Filipinos caring for the President, that’s a huge chunk of the population,” dagdag ni Panelo.

“The survey results show that an overwhelming number of Filipinos are praying for his good health, for his well-being and for him to finish his term,” sabi pa ni Panelo.

Base sa resulta ng 4th quarter 2018 SWS survey, lumilitaw na 66 porsiyento ng mga Filipino ang nag-aalala sa kalusugan ng Pangulo.

Ang survey na isinagawa mula Disyembre 16-19, 2018 ay nagsasabi ring 49 porsiyento ang naniniwala na maysakit ang Pangulo habang 24 porsiyento naman ang hindi naniniwalang may sakit ito. EVELYN QUIROZ

Comments are closed.