HINDI pabor ang Malakanyang sa panukala ni National Youth Commission (NYC) Chairman Ronald Cardema na tanggalan ng scholarships ang mga estudyanteng sasama sa mga rally at protest actions laban sa pamahalaan.
Sa ginanap na press briefing kahapon, sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na nirerespeto ng Malakanyang ang layunin ng mga estudyanteng nais lamang maghayag ng kanilang mga damdamain sa iba’t ibang usapin ng lipunan.
Ayon kay Panelo, mismong ang Pangulong Rodrigo Duterte ay hindi nagbabawal na mag-rally subalit nais lamang niyang tiyakin na naaayon sa batas ang malayang pagpapahayag ng kanilang mga damdamin at aksiyon.
Naniniwala si Panelo na hindi sapat na basehan na tanggalan ng scholarships ang mga estudyante o miyembro at kasapi ng mga makakaliwang grupo na may nais na ipahayag sa pamamagitan ng pagsasagawa ng kilos proptesta.
“Ginagarantiyahan ng Konstitusyon ang karapatan ng sinuman para sa peaceful assembly at freedom of expression kaya hindi batayan ito upang tanggalan ng scholarships ang mga kabataang estudyante dahil lamang sa pagsali sa mga rally at protesta,” giit ni Panelo.
“Mere membership alone would not suffice. You have to show evidence that one, you joined because you want to fight the government,” dagdag pa ni Panelo.
Subalit nilinaw ni Panelo na hindi aniya kukunsintihin ng pamahalaan ang armadong pakikibaka ng mga estudyante.
Nauna rito ay nanawagan si Cardema kay Pangulong Duterte na tanggalan ng scholarships ang mga estudyanteng sumasali sa mga anti-government rallies.
Nilinaw pa ni Sec. Panelo na mawawala lamang ang scholarships ng mga kabataang estudyante na ito kapag mayroong matibay na ebidensiya na kasama sila sa grupong nagnanais pabagsakin ang pamahalaan. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.