“WALANG kinalaman, walang kaugnayan ang Malakanyang sa petisyon ni Solgen.”
Ito ang tugon ni Presidential Spokesman Salvador Panelo kaugnay sa ginawang paghahain kahapon ni Solicitor General Jose Calida sa Korte Suprema ng petition for quo warranto para sa pagpapawalang bisa sa legislative franchise ng ABS-CBN network.
Sinabi ni Panelo na walang kinalaman si Pangulong Rodrigo Duterte sa paghahain ng kaso sa high tribunal
Ayon kay Panelo, tungkulin ng Office of the Solicitor General na gampanan ang kanilang trabaho at maghain ng ano mang kaso sa mga hukuman lalo pa at sa tingin niya ay may nilabag na batas ang nabanggit na TV network.
Ipinaliwanag ni Panelo na sariling inisyatiba ni Calida ang ginawang pagsasampa ng qou warranto petition laban sa ABS-CBN at hindi ugali ni Pangulong Duterte na pakialaman ang trabaho ng OSG dahil mayroong itong sariling mandato sa ilalim ng batas.
“Ang Pangulo hindi nakikialam sa nga trabaho ng alinmang sangay ng pamahalaan. Palagi niyang sinasabi let the law takes its course,” giit pa ni Panelo.
Naniniwala si Panelo na nasa kamay na ng mga mahistrado ng Korte Suprema ang pagpapasya sa inihaing petisyon ni Calida at tiwalang anumang aksiyon kaugnay sa usapin ay magiging patas at naaayon sa umiiral na batas.
Magugunita na ang pagiging mainit ni Pangulong Duterte sa nabanggit na TV network ay dahil sa aniya’y ginawa umano sa kanya noong panahong siya ay nangangampanya pa lamang.
“Alam mo yung mga salita ni Presidente, yun ay kaugnay sa kanyang displeasure doon sa nangyari sa kanya na nagbayad ng pera para sa kanyang campaign materials na hindi naman nailabas,” dagdag pa ni Panelo.
Magugunitang makailang beses inihayag ng Pangulo sa kanyang mga talumpati na haharangin niya ang franchise renewal ng ABS-CBN sa Kongreso na nakatakdang mapaso sa susunod na buwan.
“That’s part of freedom of expression when you express your displeasure on something to which you are the subject of a fraud. He cannot deprive the President as a citizen of this country to express himself,”giit pa ng kalihim. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.