PALASYO ITINANGGI ANG MILITARY JUNTA

Spokesperson Salvador Panelo

TINAWAG  ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, “misplaced” o kaya ay “distorted” ang pananaw ni National Anti-Poverty Commission head Liza Maza na maituturing na military junta ang pagtalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga dating opisyal ng militar sa ilang ahensiya ng gobyerno.

Nauna rito ay  binatikos ni Maza ang Executive Order No. 7 ni Pangulong Duterte na naglipat sa ilang ahensiya sa ilalim ng Office of the Cabinet Secretary sa Department of Interior and Local Government at Department of Social Welfare and Development, dalawang departamento na pinamumunuan ng dalawang dating opisyal ng militar.

Sa ilalim ng naturang EO, ang National Commission on Muslim Filipinos, Philippine Commission on Women at National Youth Commission ay inilipat sa DILG habang ang National Commission on Indigenous Peoples, National Anti-Poverty Commission, at Presidential Commission on the Urban Poor ay inilagay sa ilalim ng DSWD.

Ayon kay Panelo, ang hakbang ng Pangulo ay alinsunod sa pangako nito noong kampanya na gawing epektibo ang bureaucracy at nakakatugon sa pangangailangan ng publiko.

Si dating Armed Forces of the Philippines (AFP)  chief of staff Eduardo Año ang kalihim ng DILG habang si dating Army chief Rolando Joselito Bautista ang bagong DSWD secretary.