HINIHILING ng Palasyo ng Malakanyang sa local government units na agad na isailalim sa granular lockdown o small-scale lockdown ang isang lugar na may pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Ayon kay Presidential spokesman Karlo Nograles, nababahala ang Palasyo ng Malakanyang sa biglang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Iniulat ng OCTA Research Group na tumaas ng limang porsyento ang positivity rate sa Metro Manila.
“Marami tayong nakikitang mga areas na nagsisiksikan ang mga tao, kahit naman naka-mask sila, kahit bakunado na, fully vaccinated pero nagsisiksikan pa rin, so naba-violate na naman po iyong isa sa apat.
So dahil nga po doon, hindi nakakapagtataka na tumataas ang bilang. Of course, nababahala kami.
Nababahala ang IATF. Nababahala si Pangulo. Nababahala ang buong puwersa ng Malacañang, at dapat ang taumbayan din po,” pahayag ni Nograles.
Sinabi pa ni Nograles na nasa LGUs na ang pagpapasya sa granular lockdown.
Ayon kay Nograles, kaya tumataas ang kaso ng COVID-19 sa bansa dahil nakakalimutan na ng bawat isa na sumunod sa mga inilatag na health protocols.
Sa pinakahuling talaan ng Department of Health, nasa mahigit 800 ang bagong kaso ng COVID-19 ang naiatala sa bansa sa araw ng Miyerkoles, Disyembre 29, 2021. EVELYN QUIROZ