PALASYO NAG-SORRY SA MGA NA-STRANDED NA ATLETA

palasyo

HUMINGI ng paumanhin ang Malakanyang sa mga atleta at bisita mula sa iba’t ibang bansa  na narito para sa 30th Southeast Asian (SEA) Games dahil sa sinasabing kapalpakan ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (Phisgoc).

Sinabi ni  Presidential spokesman Salvador Panelo na hindi na mababago ang sitwas­yon kaya hindi na magdadahilan pa ang Office of the President.

Tanging ‘sorry’ ang hinihingi  ng  Palasyo sa abalang idinulot sa mga atleta. “We can no longer undo what has been done. The Office of the President will not offer any excuses. As host country, we apologize for the unintentional inconvenience suffered by our athlete-guests,” pahayag nito.

Dagdag ni Panelo, na hindi nangako ang pamahalaan na walang mangyayaring kapalpakan, subalit pagsusumikapan pa rin  ng kanilang hanay na magiging maayos at matiwasay ang pagdaraos ng SEA Games.

Matatandaang nag-viral  sa social media ang pagka-stranded  ng ilang oras sa  airport ng mga atleta mula sa Cambodia, Thailand at Timor-Leste dahil sa kawalan ng shuttle o sasakyan na susundo sa kanila mula sa airport patungong hotel o sa practice area.

Humingi rin ng paumanhin  ang Phisgoc sa mga atleta.

Ayon kay Ramon Suzara, chief operating officer ng Phisgoc, pinagsusumikapan na ng kanilang hanay na hindi na maulit ang masamang pangyayari.

Sinabi nito na sa kaso ng football team ng Timor-Leste, nadala ang mga atleta sa Century Hotel gayong dapat ay sa Hotel Jen, ngunit  agad  na  nagawan ng paraan at nabigyan ng shuttle ang mga player.

Sa kaso naman ng Cambodian football team ay nagkaroon ng pagbabago sa arrival details at huli na nang maabisuhan ang Phisgoc.

Ang Cambodian team  ay dumating ng 4:00 ng umaga na  nabago kaysa sa orihinal na schedule.

Comments are closed.