NAGPAABOT ng pakikiramay ang Palasyo ng Malakanyang sa pamilya ni dating Senador Tessie Aquino-Oreta na pumanaw na sa edad na 75.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, kinilala si Oreta sa kaniyang karera sa public service.
Kinumpirma ng anak ni Oreta na si Malabon Mayor Lenlen Oreta ang pagpanaw ng ina nitong Huwebes ng gabi. Hindi naman nito inihayag ang sanhi ng kamatayan ng ina.
“On behalf of my family, it is with great sadness that I announce the passing of my mom at 10:48 p.m. of May 14. Former Senator Tessie Aquino-Oreta was a public servant who devoted her life to the country and her adopted hometown of Malabon. She was a loving grandmother, mother, and wife and a friend to those whose lives she touched. We ask for your prayers for mom,” ang post ng alkalde sa kanyang official Facebook page.
Si Oreta ay nahalal na senador noong 1998 at naglingkod sa 11th Congress. Bagong naging senador, siya ay naging kongresista sa tatlong magkakasunod na termino, mula 1987-1998, sa distrito ng Malabon-Navotas.
Kabilang sa mga panukala na kanyang iniakda at naging co-author at naisabatas sa 11th Congress ay ang Solo Parent Act, Solid Waste Management Act, Clean Air Act, at Philippine Science High School System Act.
Si Oreta ay bunsong kapatid ni dating senador Benigno ‘Ninoy’ Aquino, Jr.
Inulila nito ang kanyang kabiyak na si Antolin Oreta Jr. at apat na anak.
Comments are closed.