NAGPAABOT ng pakikiramay ang Malakanyang sa pamilya ni National Basketball Association (NBA) superstar at legend na si Kobe Bryant at 13-taong gulang na anak na babae na kapwa nasawi sa naganap na helicopter crash malapit sa Calabasas, California kahapon ng umaga.
Sa pinadalang statement, sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na labis na ikinalungkot ng Office of the President ang balitang pumanaw na si Bryant makaraang bumagsak ang chopper na sinakyan nito kasama ang anak na si Gianna at pitong iba pa.
Ayon kay Panelo, si Bryant na madalas na bumisita sa bansa ay labis na hinahangaan at minamahal ng kanyang Filipino fans kung kaya’t napakalungkot na balita ang malagim na insidente na kumitil sa buhay ng legendary basketball player at mga kasama niya.
“The Palace extends its deepest condolences to the family, friends, colleagues, loved ones and fans around the globe who Kobe left behind. We share in their grief,” sabi ni Panelo.
Ayon kay Panelo, nawalan ang mundo ng basketball ng maituturing na legendary greats sa biglaang pagpanaw ni Bryant na hinangaan sa kanyang galing at bilis sa paglalaro ng basketball.
“He was a master of his craft. The basketball world has lost one of its legendary greats” dagdag pa ni Panelo.
Sina Bryant at iba pang kasama ay nakatakdang magtungo sa Mamba Sports Academy sa Thousand Oaks sa California para sa gaganaping laro sana ng kanyang anak na si Gianna kung saan ang nabanggit na paaralan ay nagho-host ng mga serye ng mga tournament para sa mga kabataang babae at lalaki na basketball teams. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.