IKINATUWA ng Malakanyang ang pagbaba ng bilang ng mga mahihirap na Filipino, batay sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS).
Sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na “welcome” sa Palasyo ang resulta ng December 2018 survey ng SWS na lumalabas na 50% ng mga pamilyang Pinoy ang ikinokonsidera ang kanilang sarili bilang mahirap.
Ito ay mas mababa kumpara sa 52% na naitala noong Setyembre 2018.
Ayon kay Panelo, base sa polling firm ay tinatayang nasa 600,000 pamilyang Pinoy ang hindi na itinuturing ang kanilang sarili bilang mahihirap.
Binanggit pa nito na lumabas din sa December 2018 SWS survey na bumaba sa 34% ang pamilyang Pinoy na ikinokonsidera ang mga sarili bilang “food poor” o salat sa pagkain mula 36% noong Setyembre 2018.
Ang “improvement” sa survey ay maaaring may kinalaman din sa pagbaba ng inflation rate noong nakalipas na buwan, na nasa 5.1%, dagdag pa ni Panelo.
Umaasa ang Malakanyang na sa pamamagitan ng mga hakbang ni Pangulong Rodrigo Duterte at ng administrasyon, at pagpapagaan sa epekto ng inflation sa mga bilihin ay maraming pamilya ang patuloy na makararamdam ng ginhawa ngayong 2019. DWIZ 882
Comments are closed.