PALASYO OK SA PAGSAPUBLIKO NG NARCO-LIST

Salvador Panelo

HINDI na kailangan ang pahintulot ni Pangu­long Rodrigo Duterte kung nais na isapubliko ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga kandidatong kasama sa drug list ng gobyerno.

Ito ang iginiit ni Presidential Spokesman Salvador Panelo sa ginanap na press briefing sa Malakanyang sa harap ng usapin kaugnay sa pagsasapubliko ng nabanggit na listahan.

“The President has already released that list so logically, he will not oppose that,” wika ni Panelo.

“Now, the fear that it may destroy the presumption of innocence, to my mind, there is a judicial remedy for that. If you feel that you’ve been libeled, you can always go to the courts,” sabi ni Panelo.

Payo pa ni Panelo sa mga kinauukulan na magsampa na lamang ng kaso sa hukuman ang mga ito kung sa palagay nila ay may nagawang paglabag ang DILG at PDEA sa  pagbubunyag sa listahan. Ayon kay Panelo, nasa kamay na ng DILG at PDEA kung nais nilang isapubliko ang listahan ng mga politikong nasa narco-list.

Naniniwala si Pane­lo na marapat lamang na maisapubliko ang narco-list upang matulungan ang mga botante na kilalaning mabuti ang mga kandidato at mabatid ang klase ng mga kandidato na kanilang iboboto.

Sinabi pa ni Panelo na marapat lamang na bala­nsehin ng gobyerno ang katungkulan kabilang na ang  pagpapabatid sa sambayanan at pagkilala sa right to information na nakasaad sa Saligang Batas.

Nauna rito ay sinabi ni DILG Secretary Eduardo Año na isasapubliko nila ang listahan ng mga mayors, vice mayors, governors, vice governors, at congressmen na umano’y sangkot sa ilegal na droga bago magsimula ang campaign period sa Marso 30 na inalmahan naman ng ilang senador ang nabanggit na plano. EVELYN QUIROZ

PAGLADLAD SA NARCO-LIST UNFAIR-COMELEC

‘Unfair.’ Ganito ang pananaw ni Commission on Elections (Comelec) Commissioner Rowena Guanzon sa plano ng Department of Interior and Local Government (DILG) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na maglabas ng kanilang ‘narco-list’ bago ang May 13 midterm elections.

Ayon kay Guanzon, maituturing na negative campaigning ang natu­rang plano laban sa mga kandidato lalo na kung wala pa namang kasong isinasampa sa mga ito.

Kaugnay nito, pina­yuhan naman ni Guanzon ang DILG at PDEA na sampahan muna ng kaso ang mga politiko na hinihinalang sangkot sa illegal drug trade sa bansa, bago isapubliko ang naturang listahan.

“Negative campaigning ‘yang ginagawa nila kapag nilagay nila sa listahan ‘yan. ‘Huwag ni’yong iboto ‘tong mga taong ito kasi mga drug pusher ito.’ E ‘di negative campaigning iyan. Unfair naman ‘yun,” ani Guanzon, sa panayam sa radyo.

“Kung ilabas ni’yo sana ‘yan, dapat kinasuhan ni’yo.  Puwedeng ilagay ni’yo. Ito may mga kaso na laban sa mga taong ito for viola­ting Dangerous Drugs Act. Pwede,” aniya pa.

Una namang sinabi ni Comelec spokesperson James Jimenez na walang batas na nagbabawal sa negatibong pangangampanya. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.