PUMALAG ang Malakanyang sa batikos ng ilang kritiko na hindi epektibo ang enhanced community quarantine sa Luzon kaya pumalo na sa mahigit 1,000 kaso ng COVID-19 ang naitatala sa bansa.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na kaya mababa ang naitalang kaso sa nakalipas na mga araw ay dahil limitado lamang ang testing kits.
“As the manufacture and supply of testing kits become available, plus the establishment of additional COVID-19 testing centers, there are more people being tested now than before, necessarily the hitherto unknown cases of COVID-19 have surfaced hence the galloping increase in number,” ayon kay Panelo.
Maaari pa aniyang tumaas ang kaso ng COVID-19 sa bansa kung hindi naging maagap ang pamahalaan.
Tiniyak nitong ginagawa na ng pamahalan ang lahat ng pamamaraan para masugpo ang paglaganap ng COVID-19.
Bumubuhos na ngayon ang suplay ng surgical masks, Personal Protective Equipment (PPEs), head gears, face shields, goggles, gloves, protective gowns at foot covers.
Muling nagpaalala si Panelo sa mamamayan na manatili lamang sa loob ng kanilang tahanan at mahigpit na sundin ang protocols on hygiene katulad ng madalas na paghuhugas ng kamay at social distancing.