(Palasyo sa Kongreso) OIL DEREGULATION LAW REPASUHIN

PINAREREPASO ng Malacañang sa Kongreso ang oil deregulation law sa gitna ng serye ng oil price increase at ng nagpapatuloy na tensiyon sa pagitan ng Russia at ng Ukraine na inaasahang magkakaroon ng epekto sa ekonomiya ng Pilipinas.

Sa isang press briefing, sinabi ni acting presidential spokesperson Karlo Nograles na ang pagrebyu sa oil deregulation law ay kabilang sa medium-term measures na napagkasunduan sa top-level special meeting na pinamunuan ni Presidente Rodrigo Duterte noong Martes.

“For the medium term, we call on Congress to review the oil deregulation law, particularly provisions on unbundling the price and the inclusion of the minimum inventory requirements in the law, as well as giving the government intervention powers or authority to intervene when there is a spike and/or prolonged increase in prices of oil products,” sabi ni Nograles.

Sa ilalim ng batas, o ang Downstream Industry Deregulation Act, inalis ang government control para matulungan ang mga kompanya ng langis na maging higit na kumpetitibo sa kanilang supply at presyo ng produktong petrolyo.

Kailangang magpatawag ng special session ang Palasyo kung nais nitong repasuhin ng Kongreso ang oil deregulation law.

Nag-adjourn ang session ng Kongreso noong Pebrero 4 at magpapatuloy lang sa Mayo 23 o, pagkatapos ng May 9 national at local elections.

Ang break ay para bigyang-daan ang pangangampanya ng mga kandidato.

Gayunman, maaaring magpatuloy ang session ng Kongreso kung mismong ang Pangulo ang magpapatawag nito.

Sinabi ni Nograles na inaprubahan din ni Duterte ang rekomendasyon ng economic team na palakasin ang domestic economy, patatagin ang presyo ng pagkain, at maglaan ng social protection.

Inaprubahan din, aniya, ng Pangulo ang rekomendasyon ng Department of Agriculture na paramihin ang local food production.

“Kasama na rito ang pagpapataas ng produksiyon ng pagkain sa pamamagitan ng pagpapatupad ng Plant, Plant, Plant Part 2; pagpapataas ng rice buffer stock na hindi bababa sa 30 araw; pamamahagi ng tulong pinansiyal sa ating mga nagsasaka ng palay; at pagtugon sa tumataas na presyo ng abono o pataba.”

Kasama sa tulong na ibibigay sa mga magsasaka ang fertilizer subsidy.

“President Rodrigo Roa Duterte has given assurances that mitigating measures and contingency plans will be in place as part of the government’s proactive response to the conflict in Ukraine,” dagdag ni Nograles.