PALASYO SA SUSUNOD NA BSP CHIEF: POLISIYA NI ESPENILLA IPAGPATULOY

Presidential Spokesperson Salvador Panelo

DAPAT ipagpatuloy ng susunod na governor ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang mga polisiya sa ilalim ni Nestor Espenilla Jr., ayon sa Malakanyang.

Si Espenilla na itina­laga ni Pangulong Rodrigo Duterte para pamunuan ang BSP noong 2017 ay pumanaw noong Sabado matapos ang mahigit isang taong pakikipaglaban sa tongue cancer.

Hindi pa pinagangalanan ni ­Duterte ang papalit kay Espenilla.

“I suppose it’s the continuity of the work done by the previous go­vernor,” wika ni presidential spokesperson Salvador Panelo.

Sa ilalim ng liderato ni Espenilla, ang BSP ay nagpatupad ng major reforms sa ilalim ng temang  “Continuity Plus Plus” sa monetary at financial policies, gayundin sa organizational structure ng central bank.

Pinangunahan ni Espenilla ang digitalization ng retail payment system sa bansa para sa mas ‘inclusive and efficient financial system’.

Naisabatas din ang mga amendment sa  BSP charter, na nagpalakas sa kakayahan ng central bank na ihatid ang mandato nito na isulong ang price at financial stability.

Nauna nang iniha­yag ni Finance Secretary Carlos Dominguez III na mayroon nang shortlist ng mga posibleng successor.

Kabilang sa mga kinokonsidera bilang susunod na BSP chief ang tatlong kasalukuyang Deputy Governors ng  BSP — Diwa Guinigundo na namumuno sa Monetary at Economics Sector; Chuchi Fonacier, head ng Financial Supervision Sector; at Maria Almasara Cyd Tuaño-Amador, namumuno sa Corporate Services Sector.

Si Amador ang kasalukuyang Officer-in-Charge ng BSP.

Bukod sa central bank insiders, kinokonsidera rin para sa top post ng BSP si  East West Banking Corp. president Antonio Moncupa, Jr.

Si Moncupa ay nauna nang inendorso ng ruling Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) bilang kapalit ni Tetangco.

Kabilang din sa posibleng pumalit kay Espenilla si Peter Favila, ­miyembro ng Monetary Board, ang policy-setting body ng BSP. Nagsilbi rin siyang Trade Secretary sa ilalim ng Arroyo administration, at presidente ng ilang bangko tulad ng Philippine National Bank at Allied Banking Corp.

Comments are closed.