SARILING desisyon ang ginawang pagbaba sa puwesto ni Philippine National Police (PNP) Chief General Oscar Albayalde kahapon hanggang sa dumating ang araw ng kanyang pagreretiro sa Nobyembre 8 ng taong kasalukuyan.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, walang kinalaman ang Malakanyang sa naging desisyon ni Albayalde na ilagay ang kanyang sarili sa non-duty status 26 na araw bago ang kanyang pagreretiro.
Sinabi ni Panelo na masyado nang nakakaladkad at lubhang naaapektuhan maging ang pamilya ng PNP chief at upang maprotektahan ang kredibilidad at imahe maging ng pambansang pulisya kung kaya’t minarapat na niyang bumaba sa puwesto.
Si Albayalde ay nasangkot sa umano’y drug recycling isyu ng 13 tinaguriang Ninja cops na pawang mga tauhan niya noong provincial director pa siya ng Pampanga noong 2013.
Kaugnay nito ay magsisilbing Officer in Charge si PNP Deputy Chief for Administration Lt. General Archie Gamboa hanggang makapagtalaga si Pangulong Rodrigo Duterte ng bagong PNP Chief.
“After careful thought and deliberation. I have come to the decision to relinquish my post as Chief PNP effective tody and go non-duty status” pahayag pa ni Albayalde sa ginanap na lingguhang flag raising ceremony kahapon ng umaga sa Camp Crame.
“Since I am retiring compulsory on November 8,2019, this will pave the way for the appointment of my replacement should the President so desire” dagdag pa ni Albayalde.
Nauna nang kinumpirma ni Senador Christopher “Bong “Go na tatlo ang pinagpipiliang papalit sa puwesto ni Albayalde.
Kabilang dito ang tatlong senior officers na sina Gamboa, Deputy Chief for Operations Lt. Gen. Camilo Pancratius Cascolan at Chief Directorial Staff Major Gen Guillermo Eleazar. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.