TATLONG Farm-to-Market Roads (FMRs) ang pormal na itinurnover nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary Conrado Estrella III sa mga lokal na pamahalaan sa Palawan noong Setyembre 19 upang mapabuti ang mga aktibidad sa agrikultura at matiyak ang mas mahusay na transportasyon ng mga produkto ng mga magsasaka sa mga kanayunan sa buong lalawigan.
Ang mga bagong natapos na kalsada, na may kabuuang halaga na ₱44.7 milyon ay magbibigay ng mas mabilis na daan para sa mga lokal na magsasaka, na direktang pakikinabangan ng 1,075 agrarian reform beneficiaries (ARBs) sa Unang Distrito ng Palawan.
Ang tatlong FMRs ay matatagpuan sa mga pangunahing lugar ng agrikultura: mula Sitio Nalbot hanggang Arado sa Barangay Poblacion, Taytay (0.481 kilometro), Busuang hanggang Caruray sa Barangay Caramay, Roxas (0.580 kilometro), at Barangay San Nicolas hanggang Caniogan, Coron (0.300 kilometro).
Layunin ng mga kalsadang ito na mapabuti ang koneksiyon sa pagitan ng mga komunidad ng mga magsasaka at lokal na pamilihan, na magpapasigla sa mga aktibidad pang-ekonomiya at magpapabuti sa kalidad ng buhay ng mga magsasaka.
Binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng mga kalsadang ito sa pag-angat ng kabuhayan ng mga magsasaka. “Ang mga bagong kalsadang ito ay makatutulong upang mailapit kayo sa mga mamimili at mapabuti ang inyong kabuhayan,” anang Pangulo, na binibigyang-diin ang mahalagang papel ng imprastruktura sa kaunlaran sa kanayunan.
Dagdag pa niya, “Batid namin ang paghihirap ng mga magsasaka lalo na ang mga nagtatanim sa malalayong lugar.
Sa pamamagitan ng mga farm-to-market roads na ito, mas lalakas at mapapabilis ang inyong pagdadala ng mga produkto sa mga pamilihan at hindi mabubulok ang inyong mga ani.”
Binanggit din ni Marcos ang makasaysayang kahalagahan ng mga proyektong ito, na nagsimula pa noong panahon ng administrasyon ng kanyang ama na si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos, Sr. kasama ang kalihim ng DAR noon na si Conrado Estrella, Sr. na lolo ng kasalukuyang kalihim ng DAR.
Ngayon, ipinagpapatuloy ng kasalukuyang kalihim ang pamana ng kanilang angkan.
Ang pagbibigay ng mga suportang serbisyo ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng DAR na mapalakas ang produksiyong pagkain at mapabuti ang buhay ng mga magsasaka. “Sa pamamagitan ng mga FMR na ito, magkakaroon ng mas mura at mas madaling daan ang mga magsasaka patungo sa kanilang mga destinasyon. Ang oras na matitipid nila mula sa dati nilang pagbibiyahe ay maaari nilang gamitin sa pagtatanim upang mapataas ang kanilang ani sa mga susunod na araw,” ani Estrella.
“Dapat nating tugunan ang mga alalahanin at pangangailangan ng ating mga magsasaka upang matiyak na ang mga lupang ipinamahagi natin ay magiging sapat na produktibo para mapabuti ang kanilang mga kabuhayan,” dagdag pa ni Estrella.
Ang mga proyekto ay bahagi ng pangako ng DAR na tiyakin na ang mga benepisyo ng programa sa repormang agraryo ay makarating sa mga komunidad.
Ang mga kalsada ay inaasahang magdudulot ng malaking pagbabago sa pang-araw-araw na kabuhayang pang-ekonomiya ng mga ARB at mga residente, magpapalakas sa sektor ng agrikultura sa Palawan, at magdadala ng mas maraming pagkakataon para sa pag-unlad ng mga magsasaka.