PALAY BAGSAK PRESYO, MGA MAGSASAKA UMAARAY

PALAY-10

UMAPELA ang Department of Agriculture (DA) sa mga lokal na pamahalaan na saklolohan ang mga magsasaka at bumili ng palay sa National Food Authority (NFA).

Ito ay sa harap na rin ng mababang bentahan ng palay sa kasalukuyan, na ayon sa mga magsasaka ay hindi sapat para mabawi ang labor at production costs nito.

Daing ng mga magsasaka, bagsak-presyo na ang bilihan ng palay ngayon, at isa sa dinadahilan nila ay hindi nila kayang makipagkompetensiya sa mga inaangkat.

Hinikayat din ng ahensiya ang mga magsasaka na sa NFA ibenta ang kanilang palay para mas mataas ang presyo nito, na P19 ang kada kilo.

“Sana lahat ng gobernador doon sa top 30 rice production provinces ay makipartner na sa NFA para mas maraming mabiling palay para mataas din ang kita ng mga magsasaka,” panawagan ni DA Secretary William Dar.

Kabilang sa top rice producing provinces sa bansa ang Nueva Ecija, Isabela, Pangasinan, Cagayan, Iloilo, Camarines Sur, Tarlac, Negros Occidental, Maguindanao, Bukidnon, North Cotabato, at Leyte.

Nauna na ring hiningi ng DA ang tulong ng pribadong sektor sa pamamagitan ng pangongontrata sa mga magsasaka, bilang bahagi na rin ng kanilang corporate social responsibility.

Comments are closed.