PALAYAN CITY, DINUDUMOG NG INTERNATIONAL BPO

PALAYAN CITY

DINUDUMOG ngayon ng iba’t ibang foreign firm at International Business Process Outsourcing (BPO) ang Palayan City sa Nueva Ecija.

Ang pagdami ng mga dayuhang kompanya sa Palayan ay dahil na rin sa walang trapik, maganda, maaliwalas, tahimik, kumpleto sa accomodation, mura, sariwa at masarap ang mga bilihing pagkain.

Kamakailan ay winelcome ni Palayan City Mayor Rainne Cuevas ang mga opisyal ng Sutherland Corp., isang Global Process Transformation Company na may 20,000 empleyado.

Ayon kay Mayor Cuevas, taos pusong nagpapasalamat ang mga mamamayan ng Palayan City dahil napili ng mga duyuhang kompanya ang kanilang lugar para sa kanilang “Global Operation”.

“Malaking-malaking tulong po ito sa aming employment, hindi lang dito sa Palayan City kundi maging sa buong Nueva Ecija,” sabi ni Mayor Cuevas.

Sa ngayon ay may tatlong international BPO na sa Palayan City, kabilang na ang Beeman Solutions Inc., at ang isang sikat na Online Shopping sa Amerika.

Nasa mahigit sa 1,000 Novo Ecijanos ang nagtatrabaho bilang call center agents sa business hub ng Palayan City.

Sinabi pa ni Mayor Cuevas, sa susunod na taon ay mahigit sa 2,000 empleyado pa ang kakailanganin ng mga naturang kompanya.

Naitayo ang mga business hub sa Palayan City sa admi­nistrasyon lamang ng mayora dahil likas ang pakikipagkaibigan nito.

Comments are closed.