HABANG wala pang kinikita sa pagsasaka dahil bagsak ang presyo ng palay dulot ng patuloy na pagpasok ng mga murang imported rice, tutulungan ng lokal na pamahalaan ng Palayan City, Nueva Ecija ang mga magsasaka nito na maghanap ng iba pang pagkaka-kitaan sa pamamagitan ng pagnenegosyo.
Ayon kay Palayan City Mayor Rianne Cuevas, kailangang ihanap ang mga magsasaka ng alternatibong pagkakakitaan upang hindi tuluyang malugmok sa pagkakautang.
“Gagawin namin ang lahat na matulungan sila dahil kung tutuusin sila po ang nagpapakain sa atin sa pamamagitan ng kanilang mga tanim kung kaya’t marapat lamang na alalayan sila ngayon sa oras ng kanilang kagipitan”, sabi ni Mayor Cuevas.
Bunsod nito ay isinagawa kamakailan ang 5th Farmers Congress na dinaluhan ni Mayor Cuevas at nangakong ibibigay ang dalawampung porsiyento ng development fund ng Palayan City sa asosasyon ng mga magsasaka para ibili ng mga rice processing machine bilang panimula sa kanilang mga munting negosyo.
Dumalo sa pagtitipon ang nasa 1,500 na mga magsasaka mula sa iba’t-ibang asosasyon at kooperatiba ng Nueva Ecija tulad ng Pinatubo Farmers Association, Pinaltakan Valley, Imelda Farmers Association, Paani sa Patubig Irrigators Association, Aulo Mapaet, Aulo Macatbong, Calamansi Growers Association, at ang Palayan City Onion Growers Association.
Hindi napigilan ni Mayor Cuevas na mapaluha nang marinig ang hinaing ng mga magsasaka na may mga anak na tumigil sa pag-aaral at ang karamihan ay hirap na maitawid ang pang-araw araw na pangangailangan dahil walang kinikita bunsod ng pagpasok ng mga murang imported rice mula sa ibang bansa dahil sa umiiral na Rice Tariffication Law.
Matatandaan na umaray ang mga magsasaka matapos bumagsak ang presyo sa P8 kada kilo ng palay mula sa dating presyo na P17 per kilo.
Nangako ang lady mayor na tutulungan niya ang mga magsasaka na maibsan ang kanilang paghihirap sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng binhi at dagdag na pagsasanay para sa iba pang uri ng pagkakakitaan habang bagsak ang presyo ng palay sa merkado.