NOONG unang bahagi pa lamang ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay nagpamalas na ito ng solidong suporta sa digitalization efforts ng iba’t ibang sektor.
Sa kasalukuyan naman, mismong si PBBM na ang nagsusulong na gawin nang makabago ang proseso sa mga transaksyon ng pamahalaan.
Ayon sa ating Pangulo, mahalaga ang mas makabagong paghawak ng data at ng transaksiyon dahil makatutulong ito sa pag-unlad ng pambansang ekonomiya.
Nais ding masolusyunan ng Marcos admin ang isyu raw sa walang tigil na corruption at smuggling sa Pilipinas.
Aba’y halos lahat ng uri na lang daw ng mga kalakal ay naipupuslit nang ilegal sa bansa.
Bukod dito, nagpakita na rin ng suporta ang Presidente sa Paleng-QR Ph Plus, isang programang binuo ng Department of Interior and Local Government (DILG) at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na layuning palawakin ang paggamit ng cashless at contactless na pagbabayad o digital payments sa mga palengke at pampublikong sasakyan.
Mas madali nang makipagtransaksiyon kahit kanino dahil magagawa na ito sa pamamagitan ng digital device gaya ng smartphone at QR Ph na siyang national QR code standard ng Pilipinas para sa digital payments.
Hindi maitatanggi na kasama sa karaniwang pang-araw-araw na mga transaksyon ng isang ordinaryong Pilipino ang pagbabayad ng mga pinamili sa palengke at pamasahe sa lokal na transportasyon.
Kung ganitong sistema ang gagamitin, mas magiging madali ang buhay ng mga mamimili at mananakay.
Ang mainam pa rito, hindi na kailangang mag-withdraw, magbitbit ng pera, at magbayad gamit ang cash habang makakaiwas din ang lahat sa mga panganib na dulot ng COVID-19 at iba pa.
Sinasabing sa panig naman ng mga tindera at tsuper, hindi na kailangang maghanap ng sukli lalo’t laging sakto ang matatanggap na bayad dahil sa digital payment na nga ito.
Nang makita ang Paleng-QR Ph Plus, sinasabing naisip din ni PBBM na magandang turuan ng mga ahensiya ng gobyerno ang mga Pilipino sa paggamit ng e-wallet at iba pang digital payment apps upang maitaguyod ang economic activities, partikular na sa pagsama ng micro, small and medium enterprises (MSMEs).
Ginagabayan daw si Pangulong Marcos ng Private Sector Advisory Council (PSAC) Digital Infrastructure Cluster sa pagpapasya ukol sa pagpapahusay sa digital infrastructure ng bansa.
Tiyak na marami na ring excited na masimulan ang paggamit ng QR codes sa lahat ng mga pamilihan.
Kung hindi ako nagkakamali, may ganitong sistema na rin sa ilang palengke sa Quezon City.
Nabatid na ang e-commerce platforms, katuwang ang BSP, ay may mga grupong umiikot sa bansa para sa information at education campaigns ukol sa Paleng-QR Ph Plus na inilunsad noon pang 2022 sa iba’t ibang lokal na pamahalaan.
Nailunsad na rin naman daw ito sa Baguio (August 2022), Davao (November 2022), Tagbilaran (January 2023), Naga, at Lapu-Lapu (February 2023).
Sa totoo lang, habang umaangat naman ang ating teknolohiya ay umaangat din ang sistema o estilo ng mga manloloko at kriminal sa kanilang pambibiktima.
Kaya naman, mahalagang mag-ingat ang lahat lalo na ngayong nasa modernong panahon na tayo.
Kasabay ng paggamit natin ng Paleng-QR Ph Plus, maisasakatuparan din sana ang pagpapatupad ng National Cybersecurity Plan (NCSP) 2023-2028 at Connectivity Index Rating System.