PALENGKE IMO-MONITOR VS AFRICAN SWINE FEVER

palengke

MAYNILA – PINAIGTING ng lokal na pamahalaang lungsod na ito ang pagbabantay sa lahat ng palengke, pamilihan at pantalan sa Kamaynilaan sa gitna ng mga ulat na marami nang lalawigan ang naaapektuhan ng African Swine Fever (ASF).

Batay sa ulat ng Veterinary Ins­pection Board (VIB) kay Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, tiniyak nila na wala pang kaso ng ASF sa lungsod dahil tuloy-tuloy ang kanilang operasyon laban sa mga nagbebenta ng “botcha” at “hot meat” sa mga pamilihan gayundin sa mga lugar na maari nitong pag-imbakan.

“The Veterinary Inspection Board strengthened its monitoring task force, to check all possible point of entries and distribution channels, including in markets and ports, as well as all cold storage facilities in the City of Manila, especially Tondo and Binondo area,” paliwanag ni VIB Special Enforcement Squad Chief Dr. Nick Santos.

Gayunman, tiniyak ng Manila VIB na ang Maynila ang may pinakamababang porsiyento ng namamatay na baboy dahil ang na­sabing lungsod ay walang mga bukid at mga hog-raiser.

“In this case, prevention (of entry of contaminated meat) is our top priority,” ani Dr. Santos.

Matatandaan na sa mga unang araw ni Domagoso bilang alkalde, nagsasagawa na ng monitoring ang mga tauhan ng VIB sa mga pampublikong pamilihan sa Maynila at patuloy ang operasyon sa pangungum­piska ng mga botcha at hot meat.

Kamakailan lamang ay naglabas ng pahayag ang pamunuan ng Department of Agriculture (DA) hinggil sa “outbreak” ng ASF sa ilang lugar sa Bulacan at Rizal. Tiniyak naman sa publiko ni DA Secretary William Dar na ang naturang outbreak ay kontrolado na ng awtoridad. PAUL ROLDAN