PALENGKE SA NOVALICHES NASUNOG

MATAPOS ang naranasang pagbaha, nilamon naman ng apoy ang isang malaking palengke sa  ng apoy ang isang palengke sa Barangay Sta. Monica sa Novaliches, Quezon City kahapon ng madaling araw.

Ayon sa mga may-ari ng pwesto ng palengke na mas kilala sa dating pa­ngalang nito na “Angeles Market” dakong ala-5:13 ng umaga ng makarinig sila ng isang malakas na pagsabog at kasunod nito ay mabilis na kumalat ang apoy.

Ang naturang paleng­ke ay nasa gitna ng Rami­rez at Dumalay St. na sakop ng Barangay Nova­liches Proper at Barangay Sta. Monica.

Dahilan sa malaking apoy ay umakyat ito sa ikatlong alarma na pinagtulung-tulungang patayin ng mahigit sa 20 trucks na pamatay sunog.

Wala namang naiulat na namatay maliban sa isang nagtamo ng minor injury,

Nabatid na ang natu­rang lugar ay kabilang sa mga naapektuhan ng ma­tinding pagbaha sa Metro Manila dulot ng Southwest Monsoon o Habagat na pinalakas ng Bagyong Carina nitong nakaraang linggo.

Napag-alaman na ang mga napinsala sa naturang sunog ay ang mga pwesto ng groceries, tindahan ng itlog , bigas at karne at ilang sasakyan na nakaparada sa parking area ng naturang palengke

Hanggang sa kasalukuyan ay patuloy pang iniimbestigahan ang naturang insidente at ina­alam pa ang kaubuang halaga ng  napinsala sa naturang sunog.

EVELYN GARCIA