PALIGID NG SEA GAMES VENUE SA BULACAN SINUYOD

ALL set go na ang libo-libong pulis at force multipliers sa opening ng 30th Southeast Asian Games (SEA Games)  na idaraos sa Nobyembre 30 sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.

Kasunod ito ng pagsu­yod sa palibot ng nasabing sports and events complex sa mga most wanted person (MWP), tulak at adik.

Mula noong Lunes ay bantay-sarado na ng 1,083 police personnel ang pa­ligid at loob ng Philippine Arena at bago pa man dumating ang send off ce­remony ng Bulacan police sa pagdarausan ng opening ng nasabing sporting event ay sinigurado nilang malinis na ang paligid ng Arena mula sa mga nagtatagong wanted person, mga drug pusher at drug addict at maging sa mga kolorum na pagawaan ng paputok at pailaw.

Nabatid na pinaka­matinding preparasyon at seguridad para sa mga atleta at delegado ng Sea Games ang inilatag ng Bulacan-PNP kaya inaasahag magiging matagumpay ang magarbong okasyong ito na uukit sa kasaysayan ng Arena at ng bayan ng Bocaue.

Samantala, nagpalabas ng executive order si Bocaue Mayor Joni Villanueva-Tugna para sa pagbabawal, pagbebenta at paglilipat at pagbiyahe ng paputok at fireworks display at ito ay kinatigan ng mga firecracker manufactu­rers sa Bocaue, tinaguriang Firecrackers of the Philippines, para masigurong walang magiging suliranin sa pagbubukas ng palaro.

Base sa EO No. 28 ng alkalde, ipatutupad ang kautusan simula alas- 12:01 ng madaling araw ng Nobyembre 30 hanggang Disyembre 1 ng alas-12:01 ng madaling araw at ang kautusan ay para sa kapakanan ng mga atleta at delegadong dadalo sa pagbubukas ng SEA Games upang hindi masamantala ng masasamang elemento ang industriya ng paputok sa anumang masama nilang balakin.

Si Mayor Villanueva-Tugna ay naging abala dahil sa kanyang bayan gagawin ang opening ng palaro kaya sinisiguro niyang magiging maayos ang preparasyon at seguridad ng palaro hanggang sa matapos ang opening ceremony.

MARIVIC RAGUDOS

Comments are closed.