(Paligsahan sa walwalan) WINNER DIRETSO SA OSPITAL

alak

ISABELA – OSPITAL ang kinasadlakan ng isang lalaki na nanalo sa patimpalak ng paramihan ng pag-inom ng alak o walwalan noong Pasko sa  Purok Uno, District 3, Cauayan City.

Isang tomboy ang nagwagi sa nasabing patimpalak na nanalo ng P1,500 subalit mabilis na isinugod sa hospital ng rescue 922 matapos na ito ay mahirapan sa panghinga, nangitim at mawalan ng malay.

Ang biktima na si Mary Jane Palisoc, 34, residente ng Brgy. District 3 ay nagkamalay lamang matapos ang apat na oras makaraang isugod sa Cauayan District Hospital.

Ayon kay Joven Tunacna, kaibigan at kapitbahay ng biktima na engganyong sumali sa pabilisan sa pag-ubos ng alak sa papremyong P1,500, na sa halip na kumita ay nag-abuno pa ang kanyang magulang dahil sa ang binayaran sa hospital ay mahigit P5,000.

Bago ang pag-inom ng alak ay sinabihan ng kaniyang pamilya ang biktima na huwag nang sumali ngunit nagpumilit ito at sabay sabing sayang din ang P1,500.

Sinabi ni Ginoong Tunac, ilang minuto matapos makaubos ng isang bote ng alak si Pa­lisoc ay idinaing niya ang hirap sa paghinga bago nawalan ng malay kaya tumawag ang mga tao ng tulong sa Rescue 922. IRENE GONZALES

Comments are closed.